Hindi na kailangan ng permit sa pagpapatayo ng tindahan sa subdivision
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 25, 2021
Dear Chief Acosta,
Napag-isipan kong magtayo ng maliit na tindahan dahil nakatira ako sa socialized subdivision kung saan maraming nakatirang tao. Kailangan ko pa ba magpaalam at kumuha ng permit sa aming homeowners’ association para rito? – Lina
Dear Lina,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Sec. 49 (k), Rule 9, Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 9904, o mas kilala sa tawag na “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations” kung saan nakasaad na:
“k. Subject to consultation and with the approval of a simple majority of the association members, allow the establishment of certain institutions such as, but not limited to, schools, hospitals, markets, grocery stores and other similar establishments that will necessarily affect the character of the subdivision/village in terms of traffic generation
x x x
Provided, That such prior approval shall not be necessary for the establishment of sari-sari stores, home industries and similar small-scale business enterprises within the subdivision/village classified as socialized housing;”
(Binigyang-diin)
Samakatwid, malinaw sa batas na hindi na kinakailangan ng permit o pahintulot mula sa homeowners’ association para sa pagpapatayo ng maliit na tindahan sa loob ng subdivision na kinokonsidera bilang socialized housing.
Ibig sabihin, sa inyong sitwasyon ay hindi na ninyo kailangan ng nasabing permit.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments