Hindi matapus-tapos na problema sa RFID

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 4, 2020
Noong Martes, Disyembre 1, sinimulan na ang 100% cashless toll payment sa mga expressways at toll plazas na nagdulot ng sandamakmak na sakit ng ulo sa panig ng mga motorista.
Umaga pa lamang ay dumagsa na sa mga tollways ang mga motorista para makakuha ng radio frequency identification (RFID) stickers imbes na dapat nakakuha na sila at gagamitin na lang sa pagdaan sa mga expressway.
Pero tila nagkaroon ng kalituhan sa panig ng mga motorista dahil ang unang araw ng pagpapatupad ng cashless collection ay nauwi sa napakahabang pila na naging dahilan ng sobrang sikip ng trapiko dahil madaling-araw pa lamang ay dagsa na ang humahabol sa RFID srticker.
At ang pinakamalala sa lahat ay maraming RFID sticker ang hindi binabasa kaya ang resulta nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa mga tollway dahil hindi makalusot ang maraming sasakyan.
Ang bagong toll collection providers ay ang Easytrip at ang Autosweep kung saan ang mga motorista ay dito na maglalagak ng kanilang bayad ngunit hindi ito maaaring gamitin sa lahat ng expressway sa bansa.
Ang Easytrip at Autosweep ay maaaring gamitin sa cashless transaction sa pamamagitan ng radio frequency identification (RFID) sticker sa major expressway na kumukonekta mula Metro Manila patungo sa ilang mga probinsiya.
Ang Easytrip ay nasa ilalim ng pamamahala ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) samantalang ang Autosweep RFID ay pinamamahalaan ng San Miguel Corporation (SMC) na parehong nag-iisyu ng RFID sticker sa ilang installation site sa Metro Manila.
Ang Easytrip ay maaaring gamitin sa North Luzon Expressway (NLEx), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Manila-Cavite Expressway (CAVITEx), C5 Southlink at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Samantalang ang Autosweep ay maaari namang gamitin sa South Luzon Expressway (SLEx), STAR Tollway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), NAIA Expressway (NAIAx) at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX).
Nauna rito ay mariing iniutos ng Department of Transportation (DOTr) na gawin ng cashless ang pagdaan ng mga sasakyan sa mga tollway upang mapabilis ang sitwasyon at higit sa lahat ay makaiwas sa mabilis na pagkalat ng COVID-19.
Nagsimula ito noon pang Oktubre nang mamahagi mismo ng electronic card ang DOTr sa pampublikong sasakyan bago nila ipag-utos na ipatupad na ang cashless transaction na dapat noon pang nakaraang Nobyembre 2.
Dahil sa mabagal na serbisyo ng Easytrip ng MPTC at Autosweep ng SMC ay inulan ito ng reklamo kaya muli ay inurong ang pagpapatupad nito noong nakaraang Disyembre 1.
Tulad ng dati ay muling pinagmatigasan ng Toll Regulatory Board (TRB), ang attached agency ng DOTr na hindi na palalawigin pa ang pagpapatupad nito kahit anong mangyari.
Kaya ang resulta, maraming motorista ang nag-panic at hindi naging maliwanag na maaari naman palang makabitan ng RFID sticker sa mismong tollway sakaling mapadaan ng wala pang sticker.
Sa gitna ng kaguluhan ay sumabay pa ang RFID sticker ng Easytrip na hindi binabasa na lalo pang dumagdag sa paghaba ng pila na nagresulta sa mabigat na daloy na trapiko.
Hindi ba puwedeng mag-usap na lamang ang MPTC at ang SMC para pag-isahin na lamang bisa ng RFID para hindi doble-doble ang hirap ng mga motorista sa pagkuha pa lamang nito.
Sa totoo lang, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hanggang ngayon ay hindi pa rin naiintindihan ang pagkakaiba ng Easytrip at Autosweep, at tulad niyang pumalpak ang Easytrip dahil hindi binabasa, nadadamay tuloy itong Autosweep na panay ang paliwanag na maayos ang kanilang sistema.
Nakakailang pagpapalawig na ang DOTr at ngayon iniurong na naman hanggang Enero 11, sa susunod na taon, pero hanggang ngayon hindi pa rin matapus-tapos ang problema sa RFID.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments