top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Hindi magbabago ng may-ari ang mga halaman kahit pa mapunta ito sa ibang bakuran

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 30, 2020
3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 30, 2020



Dear Chief Acosta,


Bandang Mayo ng taong ito, nagsimula akong mag-alaga ng mga halaman. Paraan ko na rin ito upang malibang at makalimutan ang problemang dulot ng pandemya. Ang aming kapitbahay ay mayroon ding mga halaman na malalaki na. Napansin ko nitong nakaraang araw na mayroon nang mga dahon na nakalaylay na sa aming bakod, habang ang isang puno nila ng makopa ay nakadungaw na rin sa aming lote. Masasabi bang amin na ang mga dahon na nakalaylay na sa aming bakod at makopa na nakasabit sa punong ang tangkay ay nasa ibabaw na ng aming lote? – Judy


Dear Judy,


Sa pangkalahatan, ang may-ari ng lupa ay siya ring may-ari ng mga itinanim dito kabilang na ang mga bunga ng mga naitanim. Ito ay alinsunod sa New Civil Code of the Philippines, kung saan ay nakasaad ang mga sumusunod:


“Art. 440. The ownership of property gives the right by accession to everything which is produced thereby, or which is incorporated or attached thereto, either naturally or artificially.
Art. 441. To the owner belongs:
1. The natural fruits; x x x”

Kaugnay nito, masasabing ang mga puno, dahon at prutas ng mga nakatanim sa lupa ng inyong kapitbahay ay kanilang pagmamay-ari. Kung mayroon mang sanga o mga dahon na pumasok na sa inyong bakuran ay hindi nangangahulugang ito ay sa inyo na. Ang maaari ninyo lamang gawin ay hilingin sa inyong kapitbahay na tanggalin ang sanga o mga dahon na nagiging sagabal na sa inyo o maaaring magdulot ng pagkasira o kapahamakan sa inyo o sa inyong ari-arian. Kung hindi sila tatalima ay maaari ninyong ipaalam ito sa inyong lokal na pamahalaan upang sa kanilang utos ay magawa ang angkop na pagtatanggal. Ito ay batay sa Article 483 ng nasabing batas:


“Whenever a large tree threatens to fall in such a way as to cause  damage to the  land or tenement of another or to travelers over a public or private road, the owner of the tree shall be obliged to fell and remove it; and should he not do so, it shall be done at his expense by order of the administrative authorities.”

Gayundin, sa mga bunga ng puno ng makopa ng inyong kapitbahay. Hindi masasabing inyo na ang mga ito kung ang mga ito ay nakasabit pa sa tangkay ng puno ng inyong kapitbahay, bagama’t ito ay nasa ibabaw na ng inyong lote. Maaari ninyong hilingin sa kanila na tanggalin ito. Hindi ninyo maaaring kusang tanggalin, maliban na lamang kung ang mga ugat na ng naturang puno ang pumasok sa inyong lote o bakuran. Maaari lamang maging inyo na ang mga bunga kung ang mga ito ay natural o kusa nang nahulog sa inyong lote. Ayon sa ating New Civil Code:


“Art. 680. If the branches of any tree should extend over a neighboring estate, tenement, garden or yard, the owner of the latter shall have the right to demand that they be cut off insofar as they may spread over his property, and, if it be the roots of a neighboring tree which should penetrate into the land of another, the latter may cut them off himself within his property.
Art. 681. Fruits naturally falling upon adjacent land belong to the owner of said land.”

Nawa ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page