top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Hindi maaaring tanggalin sa trabaho bago mapaso ang kontrata

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 21, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 21, 2021



Dear Chief Acosta,


Kinuha bilang tagaluto ng isang pamilya ang asawa ko at mag-iisang taon na rin siyang namamasukan doon. Kamakailan ay uminda ng kakaibang pananakit sa katawan ang asawa ko. Wala naman diumano siyang kakaibang ginagawa at maayos naman siyang tinatrato ng pamilya ng kanyang amo. Ang pangamba lamang niya ay baka mayroon siyang sakit at tanggalin na lamang siya sa trabaho. Ang kontrata niya sa pamilyang ito ay limang taon at nais sana niyang makumpleto ang panahon ng kanyang kontrata. Maaari kaya siyang tanggalin sakaling may sakit nga siya? Sana ay mapayuhan ninyo kam. – Dario


Dear Dario,


Alinsunod sa ating batas, ang kasambahay ay hindi maaaring tanggalin sa kanyang trabaho bago mapaso ang panahon ng kontrata nila ng kanyang amo. Kinakailangan na kapwa nilang respetuhin ang nilalaman ng kanilang kontrata kabilang na rito ang period of contract, maliban na lamang kung mayroong legal na dahilan upang wakasan na ang kasunduan o kung kapwa sila nagkasundo na wakasan na ang nasabing pamamasukan.


Malinaw na nakasaad sa Section 32 ng Republic Act No. 10361, o mas kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay”:


“Section 32. Termination of Service. – Neither the domestic worker nor the employer may terminate the contract before the expiration of the term except for grounds provided for in Sections 33 and 34 of this Act. If the domestic worker is unjustly dismissed, the domestic worker shall be paid the compensation already earned plus the equivalent of fifteen (15) days work by way of indemnity. x x x


If the duration of the domestic service is not determined either in stipulation or by the nature of the service, the employer or the domestic worker may give notice to end the working relationship five (5) days before the intended termination of the service.


The domestic worker and the employer may mutually agree upon written notice to pre-terminate the contract of employment to end the employment relationship.”


(Binigyang-diin)


Sa sitwasyon ng inyong asawa, pinakamainam na magpasuri na siya sa lehitimong physician para na rin sa kanyang kapakanan at kalusugan. Gayunman, hindi maaaring basta na lamang wakasan ng kanyang mga amo ang kanyang pamamasukan sapagkat hindi pa tapos ang limang taon niyang kontrata sa kanila, maliban na lamang kung mapatunayan na siya ay mayroong sakit at ang sakit na ito ay maglalagay sa kanya, sa pamilyang kanyang pinagsisilbihan o sa mga kasamahan niya sa nasabing bahay sa panganib. Ito ay batay sa Section 34 ng Batas Kasambahay:


“Section 34. Termination Initiated by the Employer. – An employer may terminate the services of the domestic worker at any time before the expiration of the contract, for any of the following causes:


x x x


(f) Any disease prejudicial to the health of the domestic worker, the employer, or member/s of the household; x x x”


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page