Hindi maaaring kaltasan ng tax ang sahod ng mga OFW
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 02, 2021
Palagi nating naririnig na ang overseas filipino workers (OFWs) ang mga bagong bayani na dahilan sa mga dolyar na ipinapasok nila sa ating bayan mula sa mga banyagang bansa na kanilang pinagtatrabahuan. Kaugnay nito, sila ay pinagkakalooban ng batas ng mga karapatan at benepisyo para maprotektahan ang kanilang kapakanan bilang mamamayang nagsasakripisyo. Isa sa mga benepisyo nila ay ang hindi pagkakaltas ng buwis na ipinapataw ng taxation law ng Pilipinas sa kanilang mga sahod mula sa ibang bansa.
Ang pangunahing proteksiyon ng OFW ay ang mga nakasaad na estipulasyon sa kanyang contract of employment sapagkat dito nakasaad ang lahat ng responsibilidad na kanyang gagampanan at ng kumpanyang kanyang paglilingkuran kasama na ang mga benepisyo na kanyang tatanggapin. Alinman sa mga probisyong ito ang labagin ng kanyang employer, may karampatang batas tayo na poprotekta sa kanya.
Sa panahon na ang OFW ay nagkakaproblema sa kanyang employer, may karapatan siyang humingi ng tulong mula sa embahada ng Pilipinas na nasa bansang kanyang pinagtatrabahuan kung saan may mga nakatalagang tao para tumulong sa kanya.
Ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay may mandatong magbigay ng libreng serbisyong legal sa mga biktima ng illegal recruitment at iba pang mga kasong administratibo o kriminal sa pamamagitan ng pagbibigay ng payong legal at pag-asiste sa paggawa ng mga papel kung saan nakasaad ang kanilang mga reklamo.
Ang mga OFWs ay may karapatan upang magsampa ng sibil, administratibo o kriminal na kaso laban sa banyagang employer na kanilang pinaglilingkuran. Sa pagpasa ng Republic Act (R.A.) No. 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995), ang mga labor arbiters ay may hurisdiksiyon upang dinggin at pagpasiyahan ang lahat ng usapin na nagmula sa relasyon ng empleyado at ng kanilang employer sa ibayong dagat. Ang mga labor arbiters ay may tulad na hurisdiksiyon din maging sa mga pinsalang pansalapi na natamo ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat dahilan sa paglabag ng kanilang employers sa mga batas at sa mga nilalamang probisyon ng kontrata. Sa ganitong kaso, maaaring isama ang anumang kahilingan para sa aktwal, moral at iba pang anyo ng kapinsalaan. Ang pagbabayad sa mga ito ay parehong pananagutan ng principal employer at ng recruitment agency, at marapat na nasa istipulasyon ng kontrata (Artikulo 10, R.A. No. 8042).
Kapag ang OFW ay natanggal sa kanyang trabaho sa ibayong dagat na walang makatuwiran, balido o pinapayagang dahilan na itinalaga ng batas o ng kanyang kontrata, ang nasabing OFW ay may karapatan para ipasauli ang kanyang placement fee kasama ang tinatayang interest na 12% kada taon bukod sa kabayaran ng kanyang suweldo para sa natitirang panahon sa kanyang kontrata. Ito ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso na pinamagatang “Dionella A. Gopio vs. Salvador B. Bautista (G.R. No. 205953, June 06, 2018), kung saan sinabi ng Korte Suprema sa pamamagitan ni Honorable former Associate Justice Francis H. Jardeleza na:
“Section 10 of R.A. No. 8042 provides that in case of termination of overseas employment without just, valid or authorized cause as defined by law or contract, the workers shall be entitled to the full reimbursement of his placement fee with interest of 12% per annum, plus his salaries for the unexpired portion of his employment contract or for three months for every year of the unexpired term, whichever is less.
We declared the clause "or for three months for every year of the unexpired term, whichever is less" unconstitutional in the 2009 case of Serrano v. Gallant Maritime Services, Inc., and again in the 2014 case of Sameer Overseas Placement Agency, Inc. v. Cabiles, after the provision found its way again in R.A. No. 10022 which took effect in 2010. We held that the clause violated substantive due process and the equal protection clause of the Constitution in that it generated classifications among workers that do not rest on any real or substantial distinctions that would justify different treatments in terms of the computation of money claims resulting from illegal termination. Thus, we held that the proper indemnity in illegal dismissal cases should be the amount equivalent to the unexpired term of the employment contract.” (Binigyang-diin)





Comments