top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Hindi maaaring bawiin ang pasong utang na boluntaryong binayaran

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 11, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 11, 2021



Dear Chief Acosta,

Ako ay may utang na matagal kong hindi nabayaran. Ngayon, sa biglaang pagkakataon ay nakasalubong ko ang taong aking pinagkakautangan na sa akin ding pagkagulat ay sariwa pa pala niyang naalala ang utang ko na akin namang kusang nabayaran. Kaugnay nito, sinabihan ako ng aking asawa na sa tagal na ng utang na iyon, paso na diumano ito at dapat hindi ko na nabayaran. Kung ganunman, nais kong malaman kung maaari ko pang mabawi ito. – Wesley


Dear Wesley,

Ang sagot sa inyong katanungan ay nakadepende sa panahon kung gaano na katagal ang nakalipas mula nang kayo ay nagkaroon ng utang. Nakasaad sa Article 1144 at 1145 ng Republic Act No. 386, o mas kilala sa tawag na Civil Code of the Philippines, ang batas patungkol sa pinahihintulutang panahon upang legal na masingil ang isang pagkakautang:


“Article 1144. The following actions must be brought within ten years from the time the right of action accrues:


(1) Upon a written contract;


xxx.


“Article 1145. The following actions must be commenced within six years:


(1) Upon an oral contract;


(2) xxx.” (Binigyang-diin)


Alinsunod sa nabanggit, kung ang utang ninyo ay mayroong kasulatan, maaari itong masingil sa loob ng sampung taon. Sa kabilang banda, kung ang inyong kontrata ng pagkakautang naman ay berbal lamang na napagkasunduan, mayroon lamang anim na taon upang ito ay masingil.


Samakatwid, kung ang inyong utang, berbal man o may kasulatan ay inyong nabayaran sa loob ng mga itinakdang panahon ng batas upang makasingil, malinaw na hindi ninyo ito maaaring mabawi sa malinaw na kadahilanan. Sa kabilang banda, maliban lamang kung hindi boluntaryo ang inyong pagkakabayad, kahit pa man lumagpas na sa naitakdang panahon ng batas upang makasingil, masasabi rin na hindi ninyo na maaaring hingin muli ang inyong naibayad sapagkat ayon sa inyo, boluntaryo ninyo itong binayaran. Ito ay batay sa Article 1424 ng Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad ang sumusunod:


“Article 1424. When a right to sue upon a civil obligation has lapsed by extinctive prescription, the obligor who voluntarily performs the contract cannot recover what he has delivered or the value of the service he has rendered.” (Binigyang-diin)


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page