top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Hindi lang bagyo ang naging problema sa Albay

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 6, 2020
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 6, 2020



Pinakanasalanta sa pagdaan ng Bagyong Rolly ang Bicol na halos nakalbo ang mga pananim at napakaraming bahay ang nawasak at hindi pa matiyak ang dami ng mga nawawala na hinihinalang natabunan ng lupa.


Kulang na kulang sa proteksiyon ang ating mga kababayan sa Bicol area dahil bago pa sumalakay ang super-typhoon na si Rolly ay unang humagupit ang Bagyong Quinta, ilang araw lamang ang nagdaan.


Dahil sa lakas din ng Bagyong Quinta ay halos kalbo lahat ng pananim at nagtumbahan ang maraming puno at kung may natira mang nakatayong puno ay nalagas naman lahat ng dahon kaya hubad na hubad ang naturang lugar.


Kaya sa pagpasok ng Bagyong Rolly ay walang kasaplut-saplot ang mga bayan kaya buung-buo nilang tinanggap ang lakas ng hagupit ng bagyo na direktang tumatama sa kani-kanilang tahanan.


Napakahirap ng kanilang naging karanasan, lalo pa’t halos maubos ang mga poste ng kuryente na nagsitumba at nawasak ang napakaraming tahanan kaya ngayon ay walang kuryente sa buong probinsiya at apektado rin ang supply ng tubig.


Maging ang signal ng telecommunication company (telcos) ay lubhang naapektuhan at siguradong ang unang tinamaan sa pangyayaring ito ay ang mga mag-aaral na umaasa sa internet connection.


Isa sa pinakagrabe ang sitwasyon sa buong Albay ay ang bayan ng Guinobatan dahil bukod napakalakas na hangin at ulan ay maraming bahay ang pinasok ng tubig na may kasamang buhangin.


Maraming bahay ang natabunan ng buhangin, meron namang napuno ng buhangin at hanggang ngayon ay hinuhukay pa at maraming bahay ang hindi na mabuksan dahil sa mataas na tambak ng buhangin sa labas ng bahay.


Nabatid na ang ganitong pangyayari ay unang beses lamang umanong naranasan ng mga residente kaya hanggang sa kasalukuyan ay may mga nagsilikas na hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan.


Sa pag-iimbestiga ng National of Environment and Natural Resources (DENR) ay may malaking operasyon pala ng quarry sa itaas ng kabundukang bahagi ng Guinobatan at nag-imbak ng tone-toneladang buhangin.


Dahil sa lakas ng bitbit na ulan ng Bagyong Rolly ay tinangay pababa ng kabundukan ang santambak na buhangin na siyang tumabon sa ilang bahagi ng bayan ng Guinobatan.


Maraming malalaking ilog ang umapaw ang tubig dahil napuno ng buhangin at maraming kalsada ang hindi madaanan dahil napuno ng buhangin at maraming establisimyento ang natabunan.


Maging ang national highway na nag-uugnay mula Manila patungong Legaspi City ay natabunan ng lupa at hindi madaanan kaya kinakailangan pang gamitan ng mga heavy equipment para maalis ang tumabong buhangin.


May mga ulat na marami umano ang natabunang pamilya at hindi pa lamang ito matiyak dahil hanggang ngayon ay hindi pa lahat nahuhukay ang lugar ngunit dapat itong tutukan upang matiyak ang naturang ulat.


Malakas ang Bagyong Rolly at halos nasalanta talaga ang mga karatig-bayan tulad ng Oas, Polangui, Ligao, Camalig, Daraga at Legaspi ngunit natural na pagkawasak lamang ang kanilang naranasan dahil sanay naman sa bagyo ang mga Bicolano.


Maliban sa Guinobatan na minalas dahil sa napakalaking operasyon ng quarry sa naturang lugar na sa kasalukuyan ay sinuspinde na ang operasyon matapos ang kahindik-hindik na pangyayari sa naturang bayan.


Pare-parehong hindi natin ginusto ang pangyayaring ito, kaya sa abot-kaya ng pamahalaan ay tiyak na makararating ang mga tulong sa naturang bayan at huwag tayong makakalimot manalangin.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page