Hindi angkop na pambayad bilang sahod ang grocery items
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 07, 2021
Dear Chief Acosta,
Nawalan ako ng trabaho bilang utility personnel dahil kinailangang magsara ng kompanya na pinapasukan ko. Mayroon nag-alok sa akin na mamasukan bilang kasambahay, ngunit ang ibabayad diumano sa akin ay grocery items para sa pamilya ko. Katumbas din naman diumano iyon ng halaga ng sinasahod ngayon ng mga kasambahay dito sa aming probinsiya. Tama ba iyon? – Venice
Dear Venice,
Ang mga kasambahay, tulad ng ibang mga kawani sa pribado at pampublikong sektor ng lipunan ay dapat makatanggap ng angkop na sahod mula sa kanilang pinagtatrabahuan. Sa katunayan, isa sa mga karapatan ng mga kasambahay ay ang makatanggap ng minimum wage. (Section 1 (a), Rule IV, Implementing Rules and Regulations of Republic Act (R. A.) No. 10361)
Malinaw na nakasaad sa R. A. No. 10361, o mas kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay” ang sumusunod:
“Section 25. Payment of Wages. – Payment of wages shall be made on time directly to the domestic worker to whom they are due in cash at least once a month. The employer, unless allowed by the domestic worker through a written consent, shall make no deductions from the wages other than that which is mandated by law. No employer shall pay the wages of a domestic worker by means of promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits, or any object other than the cash wage as provided for under this Act.
The domestic worker is entitled to a thirteenth month pay as provided for by law.”
Batay sa nabanggit na probisyon ng batas, kinakailangang pera ang ibayad sa inyong sahod. Kahit pa sinabi ng inyong magiging employer na ang halaga ng grocery items na ibibigay niya sa inyo ay singhalaga ng inyong sasahurin kung ito ay ibibigay niya ng aktuwal na pera, hindi pa rin ito tama.
Ang sinumang employer ng kasambahay na pilit magbabayad ng sahod sa pamamagitan ng ibang bagay ay maaaring patawan ng parusa sa ilalim ng Batas Kasambahay, viz:
“Section 40. Penalty. – Any violation of the provisions of this Act declared unlawful shall be punishable with a fine of not less than Ten thousand pesos (P10,000) but not more than forty thousand pesos (P40,000) without prejudice to the filing of appropriate civil or criminal action by the aggrieved party.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments