Hidilyn, sinaluduhan ni Liao Qiuyun; P33-M at house-and-lot, nakaabang
ni MC - @Sports | July 28, 2021

Tanggap ni world-record holder Liao Qiuyun ng China ang kanyang pagkatalo matapos maputol ang Chinese gold rush sa weightlifting dahil sa golden effort ni Hidilyn Diaz.
"I really respect Diaz as an opponent because she did the best she could, in fact better than that and that is the ultimate," ani Liao. "She did a better job and it is nice for all the people that were supporting her." Matapos mabuhat ni Liao ang target na 223-kg, apat na kilogram na mababa sa kanyang sariling world record, nahaharap si Diaz sa final clean and jerk na 127-kg para manalo, limang kilogram na mataas sa nabubuhat niya sa kompetisyon.
Buong lakas nitong inangat ang malaking Olympic record weight at nang ibagsak ang bar sa sahig agad itong lumuha sa saya matapos ang mala-bayaning pagsisikap na magkampeon sa women's 55kg class sa Tokyo International Forum.
Naiuwi ni Liao ang silver habang si Zulfiya Chinshanlo ng Kazakhstan ang tumangay ng bronze. Si Diaz ang naging pangalawang Pinoy na atleta na nagwagi ng multiple Olympic medals at makakasama nito si swimmer Teofilo Yldefonzo na nagwagi ng dalawang bronze sa men's 200m breaststroke noong 1928 at 1932. Itinuturing ngayong national hero si Diaz dahil sa nakamit nitong tagumpay sa Rio at lalo pang gumanda ang kanyang record nang maka-gold ito sa Asian Games sa Jakarta noong 2018. Pero sa mga labang iyon ay wala ang China na sinuspinde ng International Weightlifting Federation dahil sa multiple doping violations.
Naging dominante ang China simula nang bumalik ito noong 2018 at sa Tokyo dahil wala ang mortal na karibal na North Korea na una nang umatras sa Olympics. Ang tatlong weightlifting golds ay napanalunan ng Chinese athletes — sa women's 49kg sa pangunguna nina Hou Zhihui at men's winners Li Fabin (61kg) at Chen Lijun (67kg).
Samantala, bukod sa nakuhang matamis na gold medal para sa Pilipinas, tatanggap si weightlifting star Hidilyn Diaz ng P33-million at marami pang dagdag na biyaya ngayong pandemya.
Base sa batas, tatanggap si Diaz ng P10-M mula sa gobyerno matapos makuha ang gold medal sa weightlifting women’s 55kg category sa Tokyo Olympics nitong Lunes ng gabi, habang ang silver, P5-million at bronze ay P2-million. Pagkatapos nito ay nangako ng dagdag na tig-P10-million sina business tycoons at sports patrons Manny V. Pangilinan ng PLDT at Ramon S. Ang ng San Miguel, at P3 million naman mula kay Pacman Partylist deputy speaker Mikee Romero kaya tatanggap si Diaz ng kabuuang cash prize na P33-M.
Bukod sa salapi, tatanggap din si Diaz, bumuhat ng 127-kg sa kanyang final lift sa clean and jerk at nagtapos na may kabuuang 224-kg na timbang na nabuhat — parehong Olympic records — ng house and lot sa Tagaytay mula kay Philippine Olympic president Abraham “Bambol” Tolentino.
Tinalo ng Zamboanga City pride si Chinese Liao Qiuyun sa makabagbag damdaming showdown papunta sa kanyang gintong karangalan. Sa ngayon, itinuturing si Diaz na pinakamatagumpay na Philippine Olympian. Hindi lang siya gold medal winner bagkus isang multi-medal winner – ang unang Olympic gold champ kasunod ni swimmer Teofilo Yldefonso na nagwagi ng back-to-back bronzes noong 1928 at 1932.





Comments