top of page

Health Emergency Allowance ng healthcare workers, ibigay na!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 15, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Dahil sa kanilang ambag sa public health sector, hindi lang noong pandemya natin dapat tawaging bayani ang ating mga health workers. Hanggang ngayon, araw-araw silang lumalaban sa sobrang dami ng mga pasyente, sa kakulangan ng ospital, at sa limitadong pasilidad. Sila ang ating modern-day heroes! Bilang isang health reforms crusader, patuloy kong ipinaglalaban ang kanilang kapakanan.


Kaya naman sa sesyon ng Senado noong August 11, muli akong nanawagan sa ating concerned government agencies na bayaran na ang Health Emergency Allowance (HEA) na noon pa dapat natanggap ng ating mga frontliners. Hindi biro ang kanilang sakripisyo noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Pinagpawisan at pinaghirapan nila ‘yan kaya’t dapat ibigay na sa kanila ang long-overdue na HEA. Ang iba sa kanila ay nagbuwis pa ng buhay.


Bilang isa sa mga authors at co-sponsors ng Republic Act No. 11712 na nagtakda sa HEA, nananawagan tayo sa Department of Budget and Management at sa Department of Health na humanap ng paraan para mapabilis ang pagbabayad sa qualified healthcare workers ng natitirang unpaid HEA na bunsod ng appeals na aabot pa sa PhP6.7 billion.


Hindi na ito dapat patagalin dahil may mga healthcare worker nang nagkasakit o namatay na hindi man lang natatanggap ang kanilang HEA.


Bukod sa allowances ng ating healthcare workers, problema rin natin ang maraming ospital at pasilidad na kulang sa gamit at kulang sa qualified personnel. Damang-dama natin ang kahinaan ng ating healthcare system nitong mga nakaraang linggo. Maraming mga ospital ang over-capacity sa pasyente kasunod ng ilang araw na pagbabaha bunsod ng mga bagyo at habagat.


Sa plenaryo ng Senado, kinumpirma natin na ngayong taon ay magko-convene ang Joint Congressional Oversight Committee para busisiin ang implementasyon ng Universal Health Care Law. Bukod dito, pamumunuan natin bilang Chairman ng Senate Committee on Health ang unang public hearing ng komite para sa 20th Congress sa darating na August 20.


Ang palaging sinasabi ng inyong Senator Kuya Bong Go, health is wealth. Ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Tandaan natin na ang pera ng taumbayan ay dapat na ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na serbisyong medikal.


Samantala, noong August 6, personal nating tinulungan ang 2,005 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga nagsipagtapos at mga magulang sa daycare. Sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco, nagbigay din tayo ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo.


Pagkatapos nito, dumalo tayo sa Executive-Legislative Agenda (2026-2028) Cum Annual Investment Program para sa mga opisyal ng Bongabong, Oriental Mindoro kasama si Mayor Mike Malaluan, at sa Training Workshop on the Formulation of the Public Service Continuity Plan para sa mga opisyal ng Llorente, Eastern Samar. Parehong ginanap sa Maynila ang naturang pagtitipon.


Sa Capiz, dumalo tayo sa inagurasyon ng Super Health Center sa bayan ng Sigma at sa Panit-an noong August 7, kung saan kinilala tayo bilang adopted son ng probinsya. Nakisama tayo sa pagdiriwang ng mga magsasaka sa Farmers Day.


Noong August 8, nasa Makilala, Cotabato tayo upang dumalo sa inagurasyon at pagbabasbas ng Kaakibat Hall at Talk to the Troops ng 39th Infantry (Smasch’em) Battalion 10th Infantry (Agila) Division, Philippine Army. Palagi nating tinitiyak sa ating mga sundalo at uniformed personnel na full support tayo sa kanila.


Nasa Lingig, Surigao del Sur naman tayo noong August 9 upang bisitahin ang Super Health Center sa bayan. Dumalo rin tayo sa 104th Araw ng Lingig sa imbitasyon ni Mayor Elmer Evangelio. Sa parehong araw ding iyon, sa Veruela, Agusan del Sur, personal tayong dumalo sa turnover at program proper ng Super Health Center kasama sina Vice Governor Patricia Anne Plaza at Mayor Salimar Mondejar.


Sa ating pagbisita sa mga Super Health Center sa Capiz, Surigao del Sur, at Agusan del Sur, namahagi tayo ng food packs sa mga barangay health workers bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na sakripisyo para sa kani-kanilang komunidad.


Personal din tayong nagbigay ng tulong para sa 897 pamilyang nasunugan sa Brgy. 105, Tondo, Manila nitong August 12, katuwang sina Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Chi Atienza, Brgy. Chairwoman Elenita Reyes at iba pang opisyal ng barangay. May ilang senior citizens ang binigyan natin ng wheelchair at tungkod para kahit papaano ay maging komportable sila sa kanilang iniindang sakit.


Samantala, patuloy ang pamamahagi ng tulong ng ating Malasakit Team sa mga binaha sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sa Laguna, 50 pamilya sa Pagsanjan ang natulungan. Habang sa Rizal, 250 ang natulungan sa Taytay, at 300 sa San Mateo; at 100 indibidwal mula sa Muslim community naman sa Manila City.


Nasa 250 sa San Juan at 350 sa Bauang, La Union ang nabigyan din ng tulong; 200 sa Hagonoy at 50 na mga kapatid nating Muslim sa Malolos City; 50 PWDs sa Caloocan City kasama ang Christian Handicapped Association of Massagist Inc.; at 500 residente sa Masantol, Pampanga.


Dumalo rin ang Malasakit Team sa ika-6 na Anibersaryo ng Pagpirma sa Cooperative Development Authority (CDA) Charter of 2019 sa Ortigas, Pasig City. Nagbigay din tayo ng tulong at suporta sa 166 scholars mula sa Lyceum of the Philippines sa Batangas. Kinilala naman tayo nitong August 10 bilang King Universe Philippines Ambassador 2025 sa Mrs. Universe Philippines Grand Coronation and Awards Night sa Pasay. With or without award, patuloy tayong magseserbisyo sa ating kapwa Pilipino.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy kong isusulong ang mga pro-poor na mga batas at programa para ilapit ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa mga mahihirap na pasyente. Bisyo ko ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page