top of page

Health benefits ng ‘autophagy’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 20
  • 3 min read

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Jan. 20, 2025





Dear Doc Erwin, 


Nabasa ko ang isang old news article, ang tungkol sa isang scientist sa bansang Japan na nanalo ng Nobel Prize for Physiology or Medicine dahil sa kanyang pananaliksik tungkol sa 'autophagy'. Ayon sa artikulo importante raw sa ating kalusugan ang autophagy. Ano ang autophagy? Paano ito nakakatulong sa ating kalusugan? At paano natin mapapagana ang autophagy sa ating katawan. Sana ay mabigyan ninyo ng pansin ang aking mga katanungan. — Adelina



Maraming salamat Adelina sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Tama ang iyong nabasa. Nanalo ng Nobel Prize for Physiology or Medicine noong taong 2016 si Dr. Yoshiniro Ohsumi, isang Hapon na scientist dahil sa kanyang pananaliksik tungkol sa autophagy na naging daan upang maintindihan natin ang mabubuting nagagawa ng autophagy sa ating katawan.


Ayon kay Dr. Peter Attia, isang sikat na general surgeon at espesyalista sa cancer sa bansang Amerika, at author ng Outlive: The Science & Art of Longevity, ang autophagy ay importante upang tayo ay mabuhay. Ayon sa kanya ito ay proseso ng 'cellular recycling' kung saan ginagamit natin muli ang mga nasirang body cells at cellular debris upang bumuo uli ng cells at mga bagong parte ng cells. Dahil dito maituturing na isang 'cellular contractor' ang proseso ng autophagy. Ginagamit nito ang mga 'cellular junk' upang maging maayos muli ang ating katawan.


Sa pamamagitan din ng autophagy ay makakaiwas tayo sa sakit na dulot ng cellular junk katulad ng mga 'protein aggregates'. Ayon sa mga pananaliksik, ang pag-ipon ng mga protein aggregates na ito sa ating utak ang dahilan ng pagkakasakit natin ng Alzheimer's disease, Parkinson's disease at amyotrophic lateral sclerosis (ALS). 


Napatunayan din sa mga pananaliksik na nilalabanan ng ating katawan ang cancer sa pamamagitan ng autophagy. Ang mga tutubong cancer cells ay maaaring 'kainin' at i-recycle ng ating katawan sa pamamagitan ng autophagy. Ang autophagy ay galing sa salitang banyaga na ang ibig sabihin ay 'self-eating'. Maaaring labanan din ng ating katawan ang mga sanhi ng impeksyon gaya ng bacteria at viruses sa pamamagitan ng autophagy.


Paano nga ba nagaganap ang autophagy sa ating katawan? Ayon sa Cleveland Clinic, isang tanyag na health institution sa Amerika, nagaganap ang autophagy kung kulang ng nutrients o oxygen ang ating mga cells. Ito ang dahilan kung bakit ang pagpa-fasting at pag-e-exercise ay nakaka-stimulate ng autophagy. Ayon din sa pag-aaral, ang keto diet o ang pagkain ng high fat at low carbohydrate diet ay nakaka-stimulate ng autophagy. Kaya kung nais makuha ang mga health benefit ng autophagy, gawin ang isa o lahat ng mga nabanggit - exercise, fasting, o keto diet.


Ayon sa mga mananaliksik, sa nakaraang 20 taon ay natuklasan na maraming sakit ang nanggagaling sa depekto sa proseso ng autophagy. Bukod sa Parkinson's disease na nabanggit sa itaas, ang mga sakit na ito ay diabetes, sakit sa puso, kidney at liver disease, Huntington's at Crohn's disease.


Dapat nating malaman na habang tayo ay nagkakaedad ay humihina rin ang kapasidad ng ating katawan na mag-autophagy. Ito ang dahilan kung bakit habang tumatanda tayo ay mas maraming ang dumadapo sa ating katawan. Kaya't makakatulong kung tayo ay regular na mag-e-exercise at fasting.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y magpatuloy sa pagbuti ang iyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page