top of page

Mga kailangan para magkabisa ang donasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 26 minutes ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 21, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


Mahigit 10 taon na akong ipinagmamaneho ng drayber ko. Natutuwa ako sa kanya dahil sa ingat niya magmaneho at sa galing niya makisama. Naikuwento niya sa akin na pangarap niyang magkasasakyan para sa pamilya niya. Dahil sa ako ay nakaplanong magpalit ng sasakyan, nais ko sanang ibigay na lang sa kanya bilang donasyon ang luma kong sasakyan na may halagang halos kalahating milyon. Kailangan ko pa bang gumawa ng kasulatan para sa donasyong ito o maaari ko na lang ibigay ang sasakyan ko sa kanya? -- Rolando



Dear Rolando, 


Una sa lahat, kailangang maintindihan natin ang konsepto ng tinatawag na “donasyon.” Ayon sa Article 725 ng New Civil Code of the Philippines, ang donasyon ay isang aksyon kung saan ibinibigay o ipinapaubaya ng isang tao (“donor”) ang kanyang pag-aari ng libre sa ibang tao (“donee”). 


Ayon naman sa Article 726 nito, tinatawag pa ring donasyon ang pagbibigay ng libre ng isang pag-aari dahil kinikilala ng “donor” ang serbisyo na ibinigay ng “donee.” Kailangan lamang na ang nasabing pagbibigay ay bunga ng kabutihang loob ng “donor,” at hindi isang obligasyon sa kanyang parte o kabayaran para sa serbisyong ibinigay ng “donee.”


Para magkaroon ng bisa ang isang donasyon, kailangang ito ay sang-ayon sa mga patakarang inilathala ng batas. Ayon sa Article 748 ng New Civil Code: 


Art. 748. The donation of a movable may be made orally or in writing.


An oral donation requires the simultaneous delivery of the thing or of the document representing the right donated.


If the value of the personal property donated exceeds five thousand pesos, the donation and the acceptance shall be made in writing, otherwise, the donation shall be void.”  


Maliwanag ang nakasaad sa batas na kapag ang bagay na ibibigay ay tinatawag na “movable” o mga bagay na maaaring dalhin mula sa isang lugar papunta sa ibang lugar katulad ng isang kotse, at ang halaga nito ay lampas sa P5,000.00, kailangang ang pagbibigay ng donasyon at ang pagtanggap nito ay nasa isang kasulatan upang ito ay magkaroon ng bisa. 


Iyong nabanggit na ang halaga ng kotseng nais mong ibigay sa iyong drayber ay lagpas sa kalahating milyong piso. Ayon sa batas, kailangang ang pagbibigay mo nito at ang pagtanggap ng iyong drayber ay nasusulat sa isang dokumento. Kung walang magiging kasulatan, ang iyong donasyon sa iyong drayber ay walang bisa. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page