SP Sotto, competent pa ba na maging lider ng Senado?
- BULGAR

- 7 minutes ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | November 21, 2025

Nagulantang ang lahat sa pasabog ni Sen. Imee sa kilos-protesta ng INC sa Luneta.
Inakusahan niya ang sariling kapatid at First Family na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nanangkupooo!
----$$$--
SARI-SARI ang opinyon sa social media sa eksena ni Manang Imee na isinapubliko na mismo ang “away” sa kanyang Ading.
Hindi makapaniwala ang marami.
----$$$--
PERO iisa ang malinaw, sinapawan nito ang expose ni ex-Rep. Zaldy Co kaugnay ng insertion at iskandalo sa flood control project.
Maging si Sen. Ping Lacson ay “bumigay” at inilarawan ang behavior ng kapwa-senador na “Un-Filipino”.
-----$$$--
Nasapawan din nito ang pag-aabogado ni Senate President Tito Sotto sa expose naman ni ex-DPWH Usec. Roberto Bernardo na direktang nagdadawit kina Sen. Mark Villar at ex-Sen. Grace Poe.
Ibig sabihin, imbes na maging “neutral” — idinepensa agad ni Sotto si Poe.
May mga nagtatanong: Competent pa ba si Sotto na maging lider ng Senado?
----$$$--
Nakababahala ang agarang pagkontra ni Sotto sa testimonya ni Bernardo.
Agad niyang sinabing “baligtad” at ang DPWH pa raw ang may utang sa pamilya ni Poe.
Huh, eh, bakit?
----$$$--
KUNG duda siya sa mga sinabi ni Bernardo sa latest Blue Ribbon hearing, dapat sana ay wala na ring bisa ang lahat ng pahayag niya mula pa noong umpisa.
Para na rin niyang sinasabing: “Walang maniniwala riyan, move on na tayo.”
-----$$$---
TILA lantarang idinedepensa ni Sotto ang mga kaalyado na nabanggit sa Senate hearing.
Kapag ganyan, si Sotto mismo ang sumisira at nagwawasak ng kredibilidad, dignidad at integridad sa proseso ng Blue Ribbon Committee.
-----$$$--
KUNG alam talaga ni Sotto ang pundasyon at esensiya ng responsibilidad ng isang presiding officer o mismo ng pangulo ng Senado — hindi siya dapat nagpapakita ng lantarang pagkampi sa iisang panig lamang.
Ang pagiging Senate president — ay hindi lamang umaakto para sa kapakanan ng mga miyembro ng “mayorya”, bagkus siya rin ang pangulo na dapat nangangalaga sa karapatan ng minorya — at sikaping igalang ang mga datos at impormasyong nakakalap sa mga pagdinig.
-----$$$--
MAAARING nagiging emosyonal lamang si Sotto, pero dapat ay sinasarili na lamang niya ito — at kailangan na maging “patas ang mga opinyon” na lumalabas sa kanyang bibig.
‘Ika nga ng high school teacher ko na si Ms. Pariscal: “Aba’y kahit pakitang-tao, ay magpakita ka”!
----$$$--
SABAGAY, madaling unawain si Tito Sen, hindi malayong tulad ni Manay Imee, maaaring “may pinagdaraanan” din siya.
May tsismis kasi na anumang oras o anumang araw ay maaaring maagaw din ang kanyang posisyon dahil sa “hindi maayos” na pagtrato sa mga miyembro ng Senado.
Ano sa pakiramdam ninyo?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments