ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 1, 2024
Katatapos pa lang muli ng Halloween o ang gabi ng pangangaluluwa na bisperas ng Undas.
Ganap nang industriya at negosyo ang pananakot, kaya’t patuloy itong lumalaganap sa ating kultura.
Hindi kostumbre rito sa atin ang kaugaliang mag-trick or treat, marahil kasi dapat ang mga bata ay nakabihis ng magastos na costume, na nagsimula pala sa paglalayong mapagtaguan ang anumang mapaghiganting mga espiritu. Tapos, ang dapat pang ipamahagi sa mga tsikiting ay mamahaling kendi o tsokolate imbes na barya-barya lang.
Ngunit sa ibang pamamaraan, patuloy ang pamamayagpag ng diwa ng Halloween, maging sa mga simbolo o ikonograpiya nito na makikita sa mga pamilihan at makakainan, o sa mga pampubliko at pribadong pagtitipon sa linggong ito.
Nananatiling pinakakilalang hudyat ng Halloween ang naglipanang horror na mga pelikula sa mga sinehan o mga streaming na site tuwing Oktubre. Mga palabas na kadalasa’y ukol sa multo, may sapi, demonyo at iba pang kababalaghan. Maaari rin itong hango sa tunay na buhay at ukol sa mga hangal na namamaslang, na makapagpapabulalas sa manonood ng, “Hindi man ako perpekto, pero hindi ako ganyan kasama!”
Bakit nga ba karamihan sa sangkatauhan ay kinagigiliwan ang mga nakasisindak na dibersyon? Sila ba ay naaaliw sa mga kumakatawan sa kadiliman at mga kampon ng nakaririmarim?
Sa aking palagay, ang panonood, pagbabasa at pakikinig ng nakakatakot na kuwentong kathang-isip ay may naidudulot na mabuti sa may hilig dito. Ito ay hindi lamang sa paghahandog ng pampakilig kundi pati pagbibigay ng pagkakataong mapagmasdan ang sagisag ng takot imbes na manatili itong nakakubli’t nangungutya sa kuweba ng isipan.
Kung nakikita nga naman natin at hindi lamang naiisip ang anumang makapanghihilakbot, mas madali natin itong makikilala, malalabanan at mapupuksa, kahit man lang sa panginginig o pagtili na tiyak ay may hangganan. Kung sa loob pa ng punumpunong sinehan ang pagpalahaw habang hinahabol ng halimaw ang inosenteng bida, posible pang mauwi sa paghagikhikan ang mga manonood habang napupurga ang negatibong emosyon mula sa diwa’t isipan.
Ang ganyang aliwan ay nakapagpapalabas nga naman ng takot, pagdududa, alinlangan o maging galit sa iba o sa mundo. Nakatutulong rin ito upang maunawaan kung ang sanhi ba ng mga damdaming iyon ay ating kaaway o posible palang kakampi sa pakikipagsapalaran sa buhay. Pagkatapos pang manood ay tipong napalakas at napaaliwalas ang ating pagkatao.
Kung tutuusin, ang pagkahilig sa pinaghalong kaba at kilig ay mula’t sapul. Ang habulan pa lang na larong pambata ay nakapagpapalukso ng puso, pati ang karamihan sa mga masasakyan o malilibutan sa mga karnabal. Mababanaag din ito sa ating hilig sa pagsagot ng mga libangang palaisipan, pati ng palaisipang inihahandog ng nakakatakot na salaysay, na nakaeengganyong maisip ang magiging solusyon at makita kung ito’y tutugma.
Siyempre, ang mga gawa-gawa lang na mga pananakot ay walang binatbat sa tunay na mga nakakatakot na bahagi ng buhay: mga bayaring hindi alam kung paano matutustusan, mga nasa kapangyarihang maitim ang budhi’t sarili lamang ang iniisip, mga giyerang nakapanlulupaypay, o mga kaugalian at kilos na nakapipinsala ng ating kalikasan at nag-iisang planeta.
Ngunit kung magagawa nating hindi matinag sa gitna ng pagkalugod sa mga nakakatakot na libangan, marahil ay lalo nating mailalabas at maipamamalas ang katapangang nakasilid sa ating kalooban. Unti-unti nating mahaharap ang nakapanghihilakbot na mga suliranin nang may umaagos na kagitingan at lakas ng loob na hindi lalamunin ng kadiliman.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments