Hanggang ngayong Disyembre 2020 na lang ang ultimatum vs. telcos

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 2, 2020
Ngayong Disyembre na ang ultimatum na binitawan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa dalawang telecommunications company (telcos) para ayusin ang palpak nilang serbisyo.
Naganap ang naturang pahayag nang isagawa ng Pangulo ang ika-lima niyang State of the Nation Address (SONA) na umani ng masigabong palakpakan dahil lahat ay biktima ng hindi maasahang serbisyo ng naturang telcos.
Matatandaang, tuwang-tuwa ang ating mga kababayan dahil epektibo ang naging unang banta ng Pangulo laban sa Maynilad at Manila Water na dati-rati ay palpak din ang serbisyo at palaging may water interruption.
Dahil sa takot ng dalawang water concessionaires na gobyerno na ang mamamahala sa kanilang operasyon ay malaki ang nabago sa kanilang serbisyo na ikinatuwa ng ating mga kababayan.
Kaya nagbigay ng palugit ang Pangulo na hanggang ngayong Disyembre ay dapat maayos na maayos na ang serbisyo ng dalawang telcos dahil kung hindi ay babawiin ito ng pamahalaan at sila na ang magpapatakbo.
Noong una ay tinanggap ng Pangulo ang katuwiran ng dalawang telcos na sinisisi ang pamahalaan sa sobrang pahirap sa paglalakad ng dokumento bago makapagtayo ng cellsite kaya hindi mapaganda ng lubos ang kanilang serbisyo.
Kabilang na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na dati ay kailangan pang aprubahan ang height restriction ng cellsite kahit hindi naman ito kataasan at imposibleng mabangga ng eroplano.
Pati ang Department of Health (DOH) ay kailangan pang patotohanan na ligtas para sa kalusugan ng ating mga kababayan ang itatayong cellsite at ganoon din ang mga homeowners association sa mga lugar ay tahasan din ang pakikialam.
Kailangang-kailangan ang magandang serbisyo ng dalawang telcos dahil sa kasalukuyang online learning ay malaki agad ang ipinagbago dahil mula sa dating 86 na dokumento para makapagtayo ng cellsites ay nasa 35 na lamang.
Dati-rati ultimo ang mga Local Government Unit (LGU) ay nagpapasa pa ng kung anu-anong resolusyon tungkol sa pagtatayo ng cellsites sa kanilang lugar at lahat ay naging ugat lamang ng korapsiyon at dagdag pahirap sa mga telcos.
Umaabot umano ng 10 hanggang 15 milyong piso ang halaga ng cellsite, hindi pa kasama ang renta sa lugar na pagtatayuan at katakut-takot ang aabutan ng lagay para lamang matuloy ang cellsite.
Lalo pa't kinakailangang ng karagdagang 50,000 cellsites sa buong bansa para mapaganda talaga ang serbisyo ng telcos hanggang sa bulubunduking bahagi ng bansa.
Dahil d'yan mismong ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagtayo ng Task Force upang asistihan itong mga telcos sa pagtatayo ng cellsites mula paghahanap ng lugar hanggang sa ito ay gumana.
Inalalayan din umano ng naturang Task Force ang paglalakad ng dokumento ng telcos na mula sa dating 200 araw ay magiging 16 hanggang 20 araw na lamang at wala na rin ang korapsiyon.
Ngayon Disyembre na, sa kabila ng napakalaking suporta ng pamahalaan ay bakit hindi pa rin maayos ang serbisyo ng mga telcos sa maraming lugar, ipaliwanag n’yo 'yan sa Pangulo!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments