Hanggang kailan gagana ang diplomasya sa West Philippine Sea?
- BULGAR
- Dec 3, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 03, 2021
Tulad ng kapitbahay na madalas magbigay ng ulam kay Nanay ay malaya nitong pinaiiyak si bunso, na palagi namang sinasaway ng Nanay, ngunit malumanay kahit mugto na ang mata ni bunso ay hindi pa rin inaaway ni Nanay ang kapitbahay.
Kahit nakangiti sa panlabas si Nanay ay galit na galit na ang kanyang kalooban kaya sasabihan niya ang kapitabahay na ‘wag nang paiyakin si bunso, pero hindi niya kayang pagtaasan ng boses, baka magalit ang kapitbahay.
Kaya ang resulta, matapos niyang kausapin ang kapitbahay ay ibubuhos niya ang nararamdamang sentimiyento sa iba pa niyang anak at sasabihing hindi dapat pinaiiyak si bunso at magbibilin pa na bantayan si bunso at ‘wag papayag na pinaiiyak ng kapitbahay.
Ganitung-ganito ang ating sitwasyon laban sa China na ilang linggo lang ang nakararaan ay marahas na itinaboy ang mga kababayan nating militar na lulan ng sasakyang-pandagat habang naglalayag sa Ayungin shoal.
Harap-harapang binomba ng water canon ng Chinese Coast Guard ang Pinoy boat na patungo sa kanilang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea na inalmahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gumana pa naman ang ginawang pag-alma ng ating pamahalaan at ilang araw matapos ang kabi-kabilang paliwanag ay natuloy rin ang naudlot na resupply mission ng walang aberya mula sa panig ng bansang China.
Maliban na lamang sa ginawang pagde-deploy ng Chinese Coast Guard ng rubber boat na lulan ng tatlo nilang tauhan na mino-monitor ang galaw ng Pinoy boat na kinukunan pa ng litrato at video ang ginagawa nating pagbababa ng supply sa barko ng Pilipinas.
Ayon sa pahayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ito ay ikinukonsiderang harassment, kahit nagpaliwanag pa ang kanilang ambassador na idinudokumento lamang umano nila ang lahat dahil wala silang karapatang pumasok sa Ayungin shoal.
Maliwanag na trespassing umano ang China at kung anuman ang kanilang binabalak ay dapat itigil na dahil isa lamang ang insidente sa Ayungin sa daan-daang pagpapakitang-gilas ng China na ipinoprotesta ng Pilipinas.
Sa ibang pahayag ay binigyang-diin naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Chinese Ambassador Huang Xilian na wala umanong makapipigil sa kahit anong gustong gawin ng Pilipinas sa loob ng West Philippine Sea kung saan ay mayroon tayong sovereign rights mula sa international laws.
Alam n’yo ba na umabot na sa 231 ang isinampa nating diplomatic protest laban sa China simula pa noong 2016 hanggang sa kasalukuyang administrasyon at inaasahan nating madaragdagan pa ang protestang ihahain natin hanggang sa mga susunod na panahon?
Magkakaiba ang nilalaman ng mga protesta, ngunit iisa ang pinatutungkulan ng mga ito, ang hindi tamang galawan ng China sa ating teritoryo na unti-unti ay sinusukat ang ating kakayahan kung hanggang saan tayo papapalag na ipaglaban ang ating karapatan.
Hindi ba’t unang ikinatuwiran pa ni Xilian na teritoryo nila ang Ayungin, kaya tayo pa ang inakusahan ng trespassing o pumasok ng walang pahintulot sa kanilang teritoryo na labis na ikinairita ng marami nating kababayan.
Sa ngayon ay iisa lang ang malinaw, umaalma na ang pamahalaan at kitang-kita ito nang sabihin ni Xilian na huwag lagyan ng military escort ang supply ship ng Pilipinas, ngunit pinasundan natin ito sa eroplano ng Philippine Navy para bantayan.
Kasabay nito ay sinabi mismo ng Pangulo na tila hindi na maganda ang mga pangyayari kaugnay sa relasyon ng Pilipinas at China na labis nang nakaaapekto sa kanilang samahan.
Binanggit din muli ng Pangulo na dapat ay umiral ang pandaigdigang batas, kasama na ang United Nations Convention on the Law of the Seas at ang 2016 Arbitral Award na naging dahilan para mapunta sa atin ang 200-mile exclusive economic zone mula sa mga sinasakop nitong karagatan.
Nakapaloob nga naman sa mga nabanggit na batas na ang maayos na paglutas sa mga usapin ay idaan sa mapayapang paraan base sa pagsunod mismo ng China, Pilipinas at iba pa sa Code of Conduct sa buong South China Sea.
Kung ngayon tayo makikinig sa pahayag ng mga kandidato sa gitna ng kanilang pangangampanya ay puro lahat magigiting at matatapang na tila handang magbuwis ng buhay, maipagtanggol lamang ang ating teritoryo, pero alam naman nating lahat na hindi solusyon ang pakikipagdigma.
Maging ang ilang grupo ng mga mangingisda ay sumugod sa Chinese consulate sa Makati City para kondenahin ang umano’y pang-aabuso ng bansang China at sinisisi pa ang pamahalaan dahil sa hindi umano epektibong pagtugon sa problemang dala ng China.
Pero kung tutuusin, hindi man kayang biglain ang mga pangyayari ay epektibo naman ang diplomatikong paraan ng ating pamahalaan at natitinag din ang China dahil napatunayan na natin ito noong mapaalis natin ang isa sa tatlong barko ng China Coast Guard at 19 iba pa na kanilang militia vessels.
Kaibigan natin ang China at ngayon ay inaalam na natin kung kaibigan ba nila ang Pilipinas dahil kung kaibigan ang turing nila sa atin ay dapat nilang igalang ang ating sovereign territories at sundin ang international law para hindi humantong sa isnaban ang isa’t isa.
Totoong gumagana ang diplomasya, pero hanggang kailan kaya ito puwede?
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments