top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Halos dalawang taon tayong nagtimpi at nagtiis sa pandemya… Damang-dama ang pagbabalik-sigla ng

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 10, 2021
4 min read

kabuhayan at katiyakan ng masayang Pasko



ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 10, 2021



Matapos ang halos dalawang taong pagtitimpi at pagtitiis dahil sa pandemya ay hindi lang basta natatanaw na ang liwanag dahil unti-unti na nating nararamdaman at nararanasan ang pagbabalik-sigla ng kabuhayan at katiyakang tuluy na tuloy na ang masayang Pasko sa bansa.


Ito ay dahil ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa minimal risk na sa COVID-19 at ang National Capital Region (NCR) ay nasa low-risk classification na sa mga kaso ng naturang virus ayon mismo sa pahayag ng Department of Health (DOH).


Maging ang occupancy ng health system ay sobrang baba na dahil maging ang rehiyon sa bansa ay nagpapakita rin ng pagbaba sa mga kaso kompara sa nagdaang tatlong linggo at halos nasa 50 porsiyento ang ibinaba ng paggamit ng ating mga COVID-19 beds at intensive care units.


Sa puntong ito ay hindi naman siguro masamang bigyang-papuri ang pagsisikap ng ating pamahalaan na hindi tumitigil sa pagtugon para iresolba ang pandemya sa kabila ng maraming matitigas ang ulo sa ating mga kababayan na hanggang ngayon ay pasaway sa umiiral na health protocol.


Kahit maraming pagtutol at nauuwi madalas sa kontrabersiya ang mga panuntunan hinggil sa COVID-19 dahil bukod sa panahon ng kampanya na maraming kandidato ang nagbibigay ng magkaibang opinyon ay pilit pa rin itong naitawid ng pamahalaan kahit may kahirapan.


Tulad na lamang nang ipinatutupad na kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mula noong Disyembre 1 ay obligado nang sumailalim sa regular na COVID-19 RT-PCR testing ang on-site workers na hindi pa bakunado.


Ito ang mga manggagawang kailangang pumasok ng pisikal sa kanyang trabaho dahil kung hindi ay aabutin siya nang ipinatutupad ng DOLE na ‘no work no pay policy’ para sa mga hindi bakunado na tatanggi pang sumailalim sa COVID-19 testing.


Base sa inilabas na panuntunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), mismong ang manggagawa na hindi pa bakunado ang gagastos sa kanyang RT PCR testing at hindi ito sasagutin ng employer.


Ang panuntunang ito ay ipinatutupad dahil hanggang sa kasalukuyan ay binibigyang-laya pa rin ng pamahalaan ang ilan sa ating mga kababayan na ayaw magpabakuna, ngunit kailangang bigyang-proteksiyon ang mga manggagawang nabakunahan na.


Maging ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ay naglabas ng memorandum na nagbabawal sa pagpasok ng hindi bakunadong pulis at sa katunayan ay isang opisyal ng PNP ang naantala ang promosyon na sana ay itatalaga pang hepe ng pulisya, ngunit naunsiyame dahil hindi pa bakunado.


Ayon kay PNP chief General Dionardo Carlos, nagawa na umano nila ang lahat ng puwedeng gawin para kumbinsehin ang kapulisan, ngunit mayroon talagang may sariling dahilan kaya hindi pa nababakunahan, ngunit kailangang bigyang-prayoridad ang kapakanan at kaligtasan ng buong PNP.

Sa ilalim ng IATF Resolution No. 148-B, lahat ng establisimyento at employer sa pampubliko at pribadong sektor, dapat gawing requirements sa mga on-site na manggagawa nito ang pagpapaturok ng kompletong bakuna laban sa COVID-19.


Ngayon ay kabi-kabila na naman ang mga balita na naglalabasan tungkol sa bagong COVID-19 variant na Omicron, na sa totoo lang ay yumanig sa buong mundo at maging sa ating bansa ay nagdulot ito ng matinding pangamba.


Lalo na nang maglabas ng talaan ng mga bansang may mga kaso na ng Omicron at nitong huli ay kumalat na rin umano sa maraming lugar sa United States ang bagong variant na ito na lalo pang nagdulot ng takot sa marami nating kababayan.


Pero naibsan naman ang takot nang ihayag na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kaso sa bansa ng B.1.1.529 o Omicron variant sa Pilipinas batay umano sa isinagawang genome sequencing, ngunit posible umanong makapasok ito anumang oras sa bansa.


Dahil dito ay muli na namang umingay ang pagpapatupad ng tila nakakaligtaang health protocol at maging ang pagsusuot muli ng face shield ay biglang naalala at naghigpit sa mga paliparan at daungan ng bansa.


Kaso may panibago na namang paglilinaw ang DOH na wala pa umanong ebidensiya ang Omicron variant na klinasipika ng World Health Organization (WHO) bilang ‘variant of concern’ na posibleng magdulot pa ng mas severe illness o mas mataas na tsansa na pagkamatay ng COVID-19 patient.


Sa pinakahuling ulat ng WHO ay pinatotohanan din nilang wala pa kahit isa ang namatay o may kaugnayan man lang ang pagkamatay dahil sa nahawa sa Omicron variant, kumbaga mas nakakatakot ang Delta variant na milyon na ang pinatay sa buong mundo.


Pero ang Delta variant ay bahagya na nating naibsan sa kabila ng mahigit sa 30 milyong Pinoy pa lamang ang fully vaccinated, kaya patuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa at tuloy na rin ang masasayang selebrasyon sa Pasko basta huwag lang kalilimutan ang health protocol.


Alam na naman nating lahat ang health protocol pero muli nating ipapaalala ang regular na paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng facemask at physical distancing para tuluy-tuloy na ang pagbangon sa pandemya at wala nang panibagong wave.


Halos lahat ng kumpanya ay magsasagawa na ng mga Christmas party, dapat bang isailim sa RT-PCR test ang mga dadalong empleyado na hindi bakunado at ibabawas na lang sa kanilang bonus ang gastos.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page