Halloween products, dapat nakakatakot lang, hindi delikado sa kalusugan
- BULGAR
- Oct 9, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 08, 2023
Masyadong naaagaw ang ating atensyon sa P23.62 bilyong halaga ng illegal drugs na nasamsam ng pamahalaan simula nang mag-umpisa ang kasalukuyang administrasyon hanggang sa kasalukuyan.
Hindi nga naman matatawaran ang 61,269 suspek na nasakote kabilang na ang 4,174 high-value targets (HVTs), sa loob ng 44,338 anti-illegal drugs operations mula Hulyo 1, 2022 hanggang sa kasalukuyan.
At ikinatutuwa ito ng taumbayan dahil maraming kabataan ang mailalayo sa kapahamakan ng bilyong pisong halaga ng nasamsam na ilegal na droga ngunit tila nakakaligtaan naman natin na nalulusutan tayo ng mga nakakalasong kemikal na ang biktima ay kabataan din.
Ilang araw na lamang ay ipagdiriwang na natin ang Halloween at kabi-kabilang costume party ang nauuso na karaniwang kinagigiliwan ngayon hindi lang ng mga kabataan kung hindi ng buong pamilya.
Dahil dito ay nagbigay ng babala ang ilang grupo sa publiko laban sa mga produktong nagtataglay ng nakakalasong kemikal na mapanganib sa kalusugan at kaligtasan ng bawat isa lalo na sa mga bata.
Kinumpirma ng BAN Toxics, isang toxic watchdog group, na lantaran na ang bentahan ng mga Halloween products kabilang ang nakakatakot na mga masks, face paint at make-up, horror blood at fangs, jack-o-lantern baskets, scary battery operated toys, creepy imitation weapons, skull and bones at iba pang Halloween items para sa maagang spooky shopping.
Napansin ng grupo na karamihan sa mga produkto ay hindi maayos ang label na hindi awtorisadong ipagbili at gamitin dahil wala itong tamang Certificate of Product Notification (CPN) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Pinangangatawanan ng naturang grupo na sa panahong ito ay lantaran na ang bentahan ng mga Halloween products hindi lang sa mga shopping mall kung hindi sa mga bangketa na dapat ay rehistrado sa FDA at naaayon sa labeling requirements.
Bultu-bultong Halloween products ang naglipana sa napakaraming pamilihan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na karaniwang nagmula sa mga bodega ng mga negosyante sa Divisoria at Baclaran na direktang binabagsakan ng mga delikadong produkto.
Bukod sa pagkakalantad sa toxic chemicals gaya ng lead na may seryoso at matinding epekto sa kalusugan ng mga bata, ang mga Halloween products ay may iba pang potensyal na panganib tulad ng choking, sunog, at laceration na hindi ligtas na paglaruan ng mga bata.
Ayon sa BAN Toxics, ang RA No. 9711 o FDA Act of 2099 -- ang importation, manufacture, exportation, pagbebenta, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertising o sponsorship ng anumang health product na walang tamang awtorisasyon mula sa FDA ay ipinagbabawal.
Tama nga naman na ang ipinagbibiling Halloween toys ay dapat manatiling laruan, katatakutan at magdudulot ng saya sa ipinagdiriwang na okasyon, hindi ‘yung magdadala ng seryosong problema sa kalusugan na sa huli ay mas nakakatakot pa kumpara sa Halloween.
Hindi rin nagpapahuli ang Laban Konsyumer, Inc. at EcoWaste Coalition, dahil pursigido rin sila taun-taon na maiparating ang tamang impormasyon sa mga mamimili hinggil sa kaligtasan ng mga laruang nasa merkado.
Kasabay ng mga Halloween toys ay bumabaha na rin sa mga pamilihan ang mga nakalalasong laruan, partikular ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.
Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga legal na toymakers, distributors at retailers ngunit maraming tiwali ang nagbebenta ng laruan na hindi pasado sa quality at safety verification kabilang na ang product labelling requirements.
Dapat umanong iwasan ng mga mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo o hindi sinasadyang naisusubo ng isang batang naglalaro.
Ang madalas na pagkalantad ng isang bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span, at anti-social behavioral.
Sa pag-iikot ng EcoWaste ay may mga laruan silang nakita na may bakas ng heavy metals tulad ng antimony, arsenic, cadmium, at chromium na wala ring product labelling information bilang pagtugon sa Republic 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act.
Maagang kumikilos ang mga negosyante, dahil napakarami na sa kasalukuyan ang namimili ng mga murang laruan at dinadala sa mga lalawigan na kung hindi maaagapan ay maraming kabataan na naman ang mabibiktima.
Sana naman ay kumilos din nang maaga ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan bago pa maikalat ang mga nakakalasong laruan, hindi ‘yung nagkalat na saka kikilos.
Hinihikayat din natin ang mga konsyumer na i-report sa FDA ang anumang pagbibenta, distribusyon, reklamo at/o adverse event sa paggamit ng ipinagbabawal na laruan at childcare articles sa pamamagitan ng online reporting facility ereport@fda.gov.ph o tumawag sa center for Cosmetics and Household/Urban hazardous Substances Regulation and Research (CCHUHSRR) hotline (02) 8857-1900 loc.8113 o 8107.
Kung wala kasing magre-report hindi rin sila kikilos agad!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments