Halalan noon: Pula at itim, kulay ng paghihirap, kagutuman at kamatayan o buhay
- BULGAR
- Apr 12
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 12, 2025

Isang buwan na lang mula ngayon ang midterm elections 2025. Mangangalahati na ang termino ng Pangulo at tatlong taon na lang para matupad niya ang mga ipinangako nang umupo siya noong Hunyo 2022.
Parami nang parami at tila parumi nang parumi ang kapaligiran sa mga campaign poster ng mga kandidato na iba’t iba ang laki, kulay at hugis. Paingay nang paingay na rin ang paligid dahil sa sari-saring campaign jingle ng mga kandidato. May saysay ba ang lahat ng ito o pawang pag-aaksaya lang ng pera, lakas at panahon?
Magkanong pera ang literal na itinatapon ng mga kandidato sa milyun-milyong posters na kinakabit ng mga volunteer kung saan-saan? Hindi ba’t marami sa mga poster ang malalaglag, mababasa, masisira o sisirain bago pa dumating ang araw ng halalan?
Maraming nagsasabi sa akin na hindi na sila boboto sa anumang halalan. Bakit? Dahil anumang pangangampanya para sa palagay mong matitinong kandidato ay mabilis maglaho sa usok o sa alapaap. Bakit na naman? Dahil ba’t wala nang kuwenta at saysay ang mga eleksyon kung merong nangyayaring “magic” sa labas, paligid, etc. ng Comelec?
Hindi problema ang mga lugar na nakikita. Problema ang mga ito na tago, lihim, digital at virtual. Paano makikita ang nangyayari sa loob ng mga makina, sa bawat automated counting machines (ACM), at sa transmission lines mula sa mga ACM tungo sa transparency server ng Comelec na lilitaw at gagamitin sa araw at gabi ng eleksyon.
Ito ang paulit-ulit na ipinapaliwanag ni General Eliseo Rio noon pang bago, habang at pagkatapos ng presidential election noong Mayo 2022. At sa mga nagdaang buwan, idinagdag pa ng batang abogadong si Atty. Respicio ang mga posibleng mangyari kung nakakonekta sa internet ang mga ACM bago, habang at pagkatapos ng halalan.
Anong silbi ng mga watcher, maging ng partisan watchers ng mga kandidato o ng mga volunteer watcher na kinikilala (accredited) ng Comelec kung wala nang nakikita ang mga ito? Anong babantayan nila kung ang buong proseso maliban sa pagsusulat o pag-iitim ng gilid ng ibinotong kandidato ay magaganap na sa loob ng ACM?
Baka maulit na naman ang mahiwagang transmission mula umaga hanggang gabi noong Mayo 2022. Kagulat-gulat at imposible ang lamang ng 20 milyon sa unang oras pagsara ng mga presinto, sabi ng computer experts.
Anong silbi rin ng Comelec kung lahat ng sumbong ay hindi nito agad inaaksyunan tulad ng mga itinapon na ballot boxes kung saan-saan at ang hamon ni General Ely Rio na payagan silang buksan ang ilang ballot boxes sa Santo Tomas, Batangas para maihambing ang bilang ng laman nitong boto sa ipinadalang bilang ng mga ACM sa transparency server sa UST.
Naghain na rin ng petisyon sina General Rio sa Korte Suprema na pilitin (compel) ang Comelec na buksan at hayaang pag-aralan at ihambing ang laman ng ilang ballot boxes sa Santo Tomas sa nai-transmit na boto sa transparency server sa UST.
Para sa Comelec kulay itim ang halos lahat ng reklamo tungkol sa nakaraang eleksyon ng Mayo 2022, at para naman sa marami, hindi itim ang kulay ng reklamo tungkol sa eleksyon. Ang itim ay ang tingin ng Comelec sa reklamo samantala dapat lang walang reklamo para paniwalaan at pagkatiwalaan sila ng taumbayan.
Itim at pula naman ang kulay ng Mahal na Araw. Itim dahil puno ng malisya ang pananaw ng mga Pariseo at ang taumbayan na nililinlang at ginagamit ng mga ito laban kay Kristo. Ngunit pula o kulay dugo rin ang kulay ng Mahal na Araw sapagkat pinaiitim at pinalalabo ng panlilinlang at panggogoyo ng mga Escriba at Pariseo (itim) at sa kamatayan (pula) ni Kristo humantong ito.
Hindi lang itim ang kulay ng mga halalan sa ating bansa, kulay pula rin ito dahil kung nananalo o ipinapanalo ang hindi dapat manalo, ikamamatay ito ng maraming mamamayan. Kung maling kandidato ang manalo o ipanalo, ikahihirap at ikamamatay ito ng maraming hirap na sa buhay. Kaya’t ganoon na lang kababaw ang tingin sa eleksyon ng marami lalo na ng mahihirap nating kababayan: “Pare-pareho rin naman ang nananalo. Hindi naman tayo ang dahilan ng kanilang pagtakbo. Sarili lang nila ang dahilan ng pagkandidato at pag-upo sa puwesto. Kaya’t pakinabangan natin lahat silang tumatakbo at gamit ang sari-saring “ayuda” para makuha ang aming boto at suporta. Ngunit kailangan pa ba namin pag-aksayahan ng lakas at panahon ang lahat ng ito?”
Hindi naman bumubuhay kundi nakamamatay ang pulitika kaya’t pakinabangan na lang natin sila habang meron tayong makukuha dahil pagkatapos ng kampanya, simula na ng pigaan. Wala nang mag-aayuda.
Magsisimula na ang gutom at kahirapan, dadaloy ang pawis at dugo tulad noong unang mga banal na araw, at itim na ulap, tinatakpan ang kinukubling araw.
Kulay nga ng Semana Santa noon, kulay din ng halalan ngayon, puting hinaluan ng itim ng kalituhan at karuwagan, at pula ng paghihirap at kamatayan.
Comments