top of page

Habulan, barilan sa Marcos Highway at ang sakuna ng karahasan at kaskasan sa kalye

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 5
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 5, 2025



Fr. Robert Reyes


Pagkatapos yanigin ng lindol, 7.7 intensity, ang Myanmar noong nakaraang Biyernes, Marso 28, naganap naman ang isang matinding karahasan sa pagitan ng drayber ng SUV (Toyota Fortuner) at isang rider na humantong sa insidente ng pamamaril sa Marcos Highway, Barrio Mayamot. 


Libo ang namatay at hanggang ngayon ay hinahanap sa ilalim ng mga gumuhong gusali ang survivor sa Myanmar at Bangkok na lindol. Walang kalaban-laban sinuman sa nakamamatay na galit ng kalikasan.


Kitang-kita ang mataas na gusaling ‘under construction’ pa sa Bangkok na gumuho na parang laruang cardboard. Maraming nasa ginagawang gusali nang mangyari ang pagyanig. Walang magagawa kundi maghanda at kung kinakailangan, lumikas upang iligtas ang sarili at pamilya sa mga malalaki at matitinding natural disasters tulad ng lindol o bagyo.


Matagal nang pinaghahandaan ang “The Big One,” ang kinakatakutang maganap na lindol sa parteng dinaraanan ng ‘Marikina fault line’. Kung wala namang tayong magagawa sa pagpigil sa lindol tulad nito, bakit hindi tayo magsimulang maghanda at kumilos at hindi magwalang-bahala ang marami? Bakit hindi tayo matuto sa mga karatig bansa gaya ng Japan at Australia, na meron nang mga sentro na pinaglalagyan ng mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, flashlight, jacket, kumot, unan, banig, gamot at iba pang mga mahahalagang batayang pangangailangan? Meron na ring mga organisadong grupo na may kasanayan at kaalaman na handang kumilos sa anumang emergency.


Maski na paano, mapaghahandaan ang mga sakuna ng kalikasan. Merong babala para sa bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan. Meron ding nakalaang pondo para sa paglikas ng mga taong maaapektuhan. Meron na ring mga Disaster Management at Mitigation Councils sa bawat bayan at siyudad. 


Ngunit, wala pang malinaw na programa at istraktura para tugunan ang kakaibang “disaster” na nagaganap araw-araw sa mga malalaki at ordinaryong kalye. Ito ang disaster ng karahasan at kaskasan sa mga kalye, na itinuturing natin na Karahasan at Kaskasan sa Kalye (KKK).


Nasaksihan ng marami sa social media ang video ng naganap sa Marcos Highway nang naghabulan ang drayber ng isang Toyota Fortuner at ang drayber ng motorsiklo. Matinding galit ang lumamon sa drayber ng kotse, at sa kasawiang palad nagpang-abot sila at nagkagulo. Ito ang dahilan ng suntukan at kuyugan sa kalye. Nang makita ng ibang naka-motor ang nangyari, nakialam ang mga ito at kinuyog ang drayber ng kotse.


Hinabol naman ng drayber ng kotse ang rider at nang maabutan, pinaputukan ito gamit ang kanyang baril. Bumagsak ang rider at patuloy pa ring nagpaputok ang drayber ng kotse, kaya apat katao ang tinamaan, kasama dito ang asawa ng drayber ng kotse.


Sinubukan ng drayber ng kotse na tumakas subalit hinabol ito ng mga pulis at naabutan. Nakakulong na ang drayber ng Fortuner sa ngayon at Haharapin nito ang maraming kaso na may karampatang parusa. Subalit, kailangang sagutin ang mga tanong kung ano at paano ang gagawin ng pamahalaan laban sa karahasan at kaskasan sa kalye.


Dati nang nangyayari ang mararahas na sakuna at pagkakaroon ng kaskaserong drayber. Dati na ring may mga nagmamaneho na may dalang baril. Ilan na ang nadisgrasya sa iresponsableng pagmamaneho ng mga kaskaserong drayber? Ilan na ang napatay, nabaril ng drayber ng sasakyan dahil sa init ng ulo? Hindi pa rin nalulutas ang ganitong sakuna. Bakit kaya hindi pa?


Nagkaroon na rin ng ilang sakuna sa rami ng mga motorsiklo sa kalye. Parami nang parami ang mga motorsiklo ngunit walang malinaw na regulasyon na ipinatutupad ang pamahalaan. Benta nang benta ng mga motorsiklo. Release nang release ng mga driver’s license sa mga nag-a-apply. May mga test nga siguro pero madali lang. Hindi ko lang alam kung merong mas mahigpit na test para sa mga nagmamaneho ng motorsiklo. Sa tingin ko, hindi lang madaling bumili nito, kundi magparehistro at kumuha ng driver’s license para magmaneho ng motorsiklo. Gayundin, madali makalusot sa pulis ang maraming nagmomotorsiklo. 


Parang exempted sa batas ang tingin ng maraming nagmomotorsiklo sa kanilang sarili. Halos hindi sumusunod sa traffic light ang mga nagmomotor, lalo na sa lugar na walang pulis o MMDA na nagbabantay.


Dito natin nakikita na lumalaganap ang kultura ng karahasan sa ating bansa. Hangga’t hindi nagkakaroon ng programa para pigilan at parusahan ang gumagawa ng karahasan at kaskasan sa kalsada, tuluy-tuloy pa rin ito. 


Hangga’t walang nagtuturo sa mga nagmamaneho ng motorsiklo at tatlo gulong o tricycle ng kahalagahan ng pagsunod sa batas-trapiko, ng kahinahunan at paggagalangan sa kalye, walang matinong mangyayari. Tuloy din ang baliw na pagpatay, mali at iresponsableng paggamit ng sasakyan, at ng mga naglipanang instrumento ng pagpatay sa kapwa. At isa lang ito sa napakaraming sakunang nililikha ng mga tao sa lansangan.


Ano ang gagawin ng ating gobyerno sa lumalaganap na sakuna ng kultura ng karahasan at kaskasan sa kalye?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page