Habitat, siyam-siyam na ulan, kaibigan o kalaban, guro o mangbu-budol?
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 15, 2026

Matagal nang nakaplano ang “Clergy Outing” sa San Juan, Batangas ng Diyosesis ng Cubao. Nakatakda itong ganapin mula Agosto 11 hanggang umaga ng Agosto 13, 2026.
Siyam-siyam ang ulan noong nakaraang Lunes. Umaga pa lamang, mababasa na sa group chat ng kaparian ng Cubao ang palitan ng mga mensahe na nagtapos sa ganito: “Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa lakas at tuluy-tuloy na buhos ng ulan. Hindi ba’t mapanganib ituloy ang nakaplanong outing?”
Lumipas ang ilang sandali na walang kasunod na komento. Hanggang sa nagpadala ng sagot ang Obispo: “Tuloy tayo, rain or shine!”
Ha-ha! Pagkatapos ng sagot na ito, wala nang nangahas na kumontra. At tuluy-tuloy nga ang malakas na buhos ng ulan noong Lunes. Naghanda ang lahat ng nagsabing sasama.
Dumating ang Martes, Agosto 11, pista ni Santa Clara ng Assisi. Ano kaya ang biyayang ipagkakaloob sa amin sa pista ng banal na kaibigan ni San Francisco?
Nang dumating ang Grab taxi na hinihintay namin, biglang humupa ang ulan. Nakakagulat din ang bilis ng biyahe. Kaunti ang trapiko, marahil dahil sa sama ng panahon at sa “walang pasok” sa mga paaralan.
Pangalawa kami sa mga dumating. Nagbiruan na lang kami ni Padre Allan ng Parokya ng Holy Redeemer, “Ang mga hindi takot sa ulan at panganib! Ha-ha!”
Outing pa lamang ito, ngunit kailangan nang maging matapang at prinsipyo? Oo nga, hindi pala sa malalaki at mabibigat na isyu lamang kailangan ang tapang at paninindigan. Kailangan ding maging malinaw at matatag ang prinsipyo hanggang sa maliliit at mistulang hindi gaanong mahalagang bagay, tulad ng taunang outing o pasyal ng mga pari.
Hindi kami nakapag-swimming sa pampang ng resort na aming pinuntahan. Mabato ito at kakaunti ang bahaging mabuhangin. May ilang nangahas na maglublob sa tubig noong high tide kinabukasan. Nakakatakot dahil kailangang lumayo nang husto sa konkretong pader na nagsisilbing proteksiyon ng resort laban sa mga alon. Baka matangay at ihampas ka ng alon sa pader at madisgrasya.
Ito pala ang “it is dangerous” na sinasabi ng isang pari. Hindi ang tuluy-tuloy at malakas na buhos ng ulan ang pangunahing panganib kundi ang malalakas na alon na maaaring tumangay at maghampas sa pader sa sinumang hindi mag-iingat.
Sariwa pa naman ang nangyari sa mga nasawing basketball players ng Ateneo. Mabuti na lamang at alam ng kaparian ang panganib ng malalakas na alon sa mabatong pampang na malapit sa konkretong pader.
Sandali lamang kami sa resort. Halos isang araw naming ginugol sa pagkain, paglalaro, paglangoy, pagkukuwentuhan, pagkakantahan at pagsasama-sama sa Misa. At doon sa San Juan, Batangas, ambon-ambon lamang, hindi tulad ng siyam-siyam na ulan sa ibang bahagi ng Luzon.
Mabuti na lamang at maikli ang aming outing at nag-uwian na ang lahat upang harapin ang mga hamon sa kani-kanyang parokya. Maraming pamayanan ang nanganganib bahain at maaaring kailanganing ilikas. Awa ng Diyos, hindi naman humantong sa ganoong kalagayan.
Subalit narinig na naman natin ang ulat hinggil sa mga naapektuhan ng Habagat: “382,000 indibidwal o 110,000 pamilya ang naapektuhan. Siyam na ang namatay, kabilang ang isang pulis na tinangkang sagipin ang dalawang kasama sa rumaragasang ilog sa Negros Occidental.” (cf. Philippine Daily Inquirer, August 10, 2026, page 1)
Hindi man kailangang lumikas ng mga parokyano natin dito sa Project 8, Quezon City, marami naman ang hindi kumikita dahil hindi makapagtrabaho bunga ng matinding ulan. Marami sa ating mga kababayan ang literal na “isang kahig, isang tuka.” Kapag hindi nagtrabaho, hindi kakain ang pamilya. Kailangang mangutang, at marami namang handang magpautang. 5-6 nga lamang ang patakaran.
Kasabay nito, nalalantad ang epekto ng katiwalian sa kalikasan. Napakaraming “ghost flood control projects” na hindi ginawa, hindi nasimulan, hindi natapos o natapos man ay agad nasira dahil sa dinayang kontrata. Malinaw ang epekto nito: matitinding baha sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Salamat sa mga opisyal na mangbubudol na laway lamang ang kinailangan para mailabas ang pondong bilyun-bilyon na kunwari ay gagamitin sa mga proyekto ng DPWH at kunwari ay pasado sa COA, ngunit malinaw na hinatid ng multo—hindi sa mga nangangailangan kundi sa bulsa ng mga namumuhunan!
Mapayapa sa bandang Batangas ang kalikasan. Ngunit mabangis ito sa ibang bahagi ng bansa. Kaibigan ngayon, ngunit maaaring kalaban bukas. Kalaban ngayon, kaibigan bukas.
Nagbago na nga talaga ang panahon. “Climate change” na talaga. Nagbago na rin ang pulitika. Sobrang bulok na. Libu-libo at milyon-milyon ang ninanakaw noon. Bilyon-bilyon na ang ninanakaw ngayon ng mga pulitiko at kanilang mga kasabwat.
Kumakampi na sa atin ang kalikasan. Matitinding baha, landslide, lindol, sunog, pandemya at iba pang kalamidad ang tila katapat ng ating kapabayaan at katiwalian. Sa huli, walang makaliligtas sa dagok at galit ng kalikasan.
Ang malungkot lamang, may mauunang maghirap at mamatay—ang maliliit at mga walang-wala.





Comments