top of page
Search
  • BULGAR

Habang tumatagal, mas pataas nang pataas ang kaso ng COVID

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 02, 2021



Umabot sa 22, 366 ang naitalang positibong kaso noong Lunes. Ito na ang pinakamataas na naitala mula nang maganap ang pandemya noong nakaraang taon. Kaya pasok na sa Top 20 ang Pilipinas sa dami ng kaso sa buong mundo. Parang kailan lang ay pang-30 pa tayo. Nalampasan na natin ang Bangladesh, Iraq at Malaysia. Gayundin, ang dapat ilabas na datos ay kung saang siyudad maraming naitala, ano’ng edad at pati na rin kung Class A, B, C, D o E.


Gusto rin nating malaman kung sinu-sino ang nagkakasakit. Marami bang pasaway at hindi nag-iingat o sumusunod sa minimum health protocols, tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield, madalas na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing?


Kailangan din itong matukoy ng DOH para malaman kung saang lugar sila dapat nagbabantay o naghihigpit. Hindi rin naman tayo tulad ng Amerika kung saan maraming tutol sa pagsuot ng facemask pati na rin sa pagbabakuna — dahil ito sa mga paniniwalang wala itong saysay.


Sa bakuna naman, 17 porsiyento ng populasyon o halos 19 na milyon na ang nakatanggap na ng isang dose ng bakuna. Siguradong tumaas na ito dahil ang datos ng ourworldindata.org/covid-vaccinations ay hanggang Agosto 15 pa lang. Bukas na rin sa mga hindi taga-NCR ang mga vaccination center ng ilang lungsod para mas maraming pang mabakunahan. Tanging bakuna lang ang magpapabagal sa pagkalat ng COVID-19 — kailangan natin ng herd immunity sa lalong madaling panahon.


Ngunit, dapat din maintindihan ng lahat na hindi lubos na proteksiyon ang kumpletong bakuna kontra COVID-19. Maaari pa rin madale kung hindi lubos ang gagawing pag-iingat. Baka kaya dumarami ang kaso dahil akala ng iba ay hindi na sila tatamaan ng COVID — mali ‘yun.


Ang masasabi lang ay kung sakaling magkasakit, hindi seryoso o malubha ang magiging kondisyon, kaya mahalaga pa rin ang magpabakuna at mag-ingat. Sana lang ay mas marami ang nababakunahan sa mas mabilis na panahon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page