top of page

Habambuhay na kulong at multa sa mga gagamit at magbebenta ng nakalalasong kemikal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 6, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Noong Hunyo 2025, si Mikel, ang operations manager ng isang pribadong kumpanyang Triple Z Inc., ay inaresto ng mga kapulisan ng PNP–MIMAROPA. Ang pag-aresto ay resulta ng sensitibong impormasyong natanggap ng mga awtoridad na ang Triple Z Inc. ay walang permiso at awtorisasyong gumagawa ng mga kemikal sa isang bodega sa Puerto Princesa City, Palawan. Ang mga naturang kemikal ay nakatakdang ibenta sa mga kliyente nitong mga dayuhan na ang pagkakakilanlan ay hindi alam o hindi isiniwalat. Natuklasan na ang kemikal na sangkot ay malalaking dami o sukat ng “Soman,” isang nerve agent na ginagamit sa digmaan at ipinagbabawal sa ilalim ng mga pandaigdigang batas. Iginiit ni Mikel na ang mga nasabing kemikal ay para lamang umano sa “industrial research” at walang aktuwal na paggamit nito bilang armas. Kung mayroon man, ano ang maaaring isampang kaso laban kay Mikel at ang Triple Z Inc.? – Scarlette Rose



Dear Scarlette Rose,


Sila Mikel at ang pribadong kumpanyang Triple Z, Inc. ay maaaring managot sa kasong kriminal sa ilalim ng Republic Act No. 12174 (R.A. No. 12174), kilala bilang “Chemical Weapons Prohibition Act.”

Nakasaad sa Seksyon 6 ng nasabing batas ang sumusunod:


“SEC. 6. Prohibitions. - The following are prohibited under this Act: 

(a) To develop, produce, acquire, stockpile, retain, use, or transfer domestically or by cross-border movement, any chemical weapon; Xxx;

(g) To export and import Schedule 1 chemicals to or from a State not a Party to the Convention, including transit through such State: and”


Ayon pa sa Seksyon 3, ang depinisyon ng Chemical Weapon ay:


“SEC. 3. Definition of Terms. - As used in this Act:

(a) Chemical Weapon refers to one or a combination of the following:

(1) Toxic chemicals and their precursors, except when intended for purposes not prohibited under the Convention. where the type and quantity is consistent with such purposes;”


Ang “Soman” ay isang matinding nakalalasong kemikal na nakapaloob sa Schedule 1 ng Annex on Chemicals sa ilalim ng Chemical Weapons Convention (CWC) (See: https://www.opcw.org/chemical-weapons-convention/annexes/annex-chemicals/schedule-1)


Base sa Seksyon 6 ng R.A. No. 12174, malinaw na ipinagbabawal ang pagbuo, paggawa, pagkuha, pag-iimbak, pagtatago, paglilipat, o paggamit ng mga sandatang kemikal. Ang simpleng paggawa o pag-iingat ng mga kemikal na itinuturing na chemical weapons, kahit hindi pa ito aktuwal na ginamit, ay maituturing na paglabag sa nasabing batas.  Bukod dito, ang pagbebenta ng naturang nakalalasong kemikal sa mga dayuhang indibidwal ay paglabag din sa nasabing batas.


Ang sinumang mapatunayang lumabag sa nasabing batas ay maaaring mapatawan ng mabigat na parusa, gaya ng nakasaad sa Seksyon 7 ng nasabing batas, na:


“SEC. 7. Mga Parusa. –

(a) Sinumang tao na bubuo, gagawa, kukuha, mag-iimbak, magtatago, maglilipat, o gagamit ng mga sandatang kemikal ay paparusahan ng habambuhay na pagkabilanggo (life imprisonment) nang walang benepisyo ng parole o ng mga probisyon ng Republic Act No. 10592… at pagmumultahin ng hindi bababa sa ₱2,000,000 ngunit hindi hihigit sa ₱5,000,000; 

(e) Sinumang tao na mag-aangkat, magluluwas, o maglilipat sa loob ng bansa ng mga kemikal na nakalista sa Schedule 1, 2, o 3 ng Convention’s Annex on Chemicals nang walang awtorisasyon at kinakailangang permit o lisensya mula sa Strategic Trade Management Office (STMO) ng Department of Trade and Industry (DTI) ay papatawan ng kaukulang parusa sa ilalim ng Republic Act No. 10697, o ang Strategic Trade Management Act (STMA);”


Base sa nakasaad sa itaas, ang depensa ni Mikel na ang mga kemikal ay para lamang sa “industrial research” ay hindi katanggap-tanggap, sapagkat ang “Soman” ay kabilang sa Schedule 1 ng Annex on Chemicals ng CWC, na tanging pinapayagan lamang para sa layunin ng pananaliksik o pangmedikal sa napakalimitadong dami o sukat, at may mahigpit na rekisito ng lisensiya at ulat, na hindi naman sinunod o tinugunan ng Triple Z Inc.


Dahil dito, kung mapatunayang nagkasala si Mikel at ang Triple Z Inc. ay maaaring mahatulan sila ng habambuhay na pagkabilanggo, mabigat na multa, at pagkumpiska ng mga ilegal na kemikal, kagamitan, at bodega na ginamit sa paggawa nito, alinsunod sa mga parusang itinakda sa Seksyon 7 at 8 ng R.A. No. 12174, o ang “Chemical Weapons Prohibition Act.”


Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page