top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Gustong malaman kung legal na bigyan ng gift cert. ng kompanya, imbes na pera

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 30, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 30, 2021



Dear Chief Acosta,

Wala bang paglabag sa batas ang kompanya namin dahil nagbigay sila ng gift checks? Ipambili diumano namin ito ng pagkain para sa aming pamilya. Pero sana kasi ay pinera na lamang nila. – Echo


Dear Echo,

Hindi natin agarang masasabi na mayroon o walang paglabag sa batas-manggagawa ang inyong pinagtatrabahuang kompanya dahil nagbigay sila ng gift checks sa inyo. Kinakailangan alamin nang mayroong kasiguruhan kung para saan o ano ba ang silbi nito? Mahalagang malaman ito sapagkat kung ito ay ibinigay sa inyo bilang kabayaran sa inyong serbisyo o bahagi ng inyong sahod bilang manggagawa, maaaring masabing lumabag sila sa itinakda ng ating batas na dapat legal tender lamang ang ibibigay na uri ng pasahod sa mga manggagawa. Malinaw na nakasaad sa ating Labor Code of the Philippines ang mga sumusunod:


“ART. 102. Forms of payment. - No employer shall pay the wages of an employee by means of promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits, or any object other than legal tender, even when expressly requested by the employee.


Payment of wages by check or money order shall be allowed when such manner of payment is customary on the date of effectivity of this Code, or is necessary because of special circumstances as specified in appropriate

regulations to be issued by the Secretary of Labor and Employment or as stipulated in a collective bargaining agreement.”


Sapagkat ang ordinaryong gift checks ay hindi tulad ng mga tseke ng mga bangko, bagkus, ang mga ito ay kahalintulad ng “vouchers, coupons, tokens, tickets, chits.” Dahil dito, ang gift checks ay hindi maaaring ipasahod sa inyo.


Sa kabilang banda, kung ang nasabing gift checks ay boluntaryo at malayang ibinigay sa inyo ng kompanya bilang karagdagang pinansiyal na tulong, lalo na sa pinansiyal na krisis na nararanasan ng marami sa ating mga kababayan, masasabing walang naging paglabag sa batas ang inyong kompanya.


Marahil ay mas mainam sana kung pera ang ibinigay sa inyo, ngunit magpasalamat na lamang din tayo sa karagdagang tulong, kung ito man ay karagdagang tulong nga sa inyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page