top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Gustong makuha ang pamana mula sa tiyuhing U.S. citizen na at namatay sa Tate

  • BULGAR
  • Mar 10, 2022
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 10, 2022


Dear Chief Acosta,


Meron po akong tito na sa Bicol lumaki ngunit lumipat na sa Amerika at naging isang U.S. citizen. Ngunit nalaman po namin na sumakabilang buhay na siya nitong taon. Meron po siyang mga naiwang ari-arian sa probinsiya na gusto na ng pamilya namin na mahati. Meron din siyang naiwang huling habilin ayon sa mga anak niya.


Ang hindi po malinaw sa pamilya namin ay kung kailangan pa po bang dumaan sa korte rito sa Pilipinas ang huling habilin niya dahil siya naman po ay isang Amerikano na. Kung sakali naman pong kailangan pa talaga ipadaan sa korte ay saang korte po namin ito dapat ilapit? Sana po ay mapayuhan n'yo kami. Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong tanggapan.


Emory


Dear Emory,


Kinakailangan pang magsampa ng inyong pamilya ng karampatang aksyon sa korte rito sa Pilipinas para maipatupad ang huling habilin ng inyong tito para sa mga ari-arian na naiwan niya rito sa ating bansa. Nakasaad sa Artikulo 838 ng Civil Code of the Philippines at Rule 75 ng Rules of Court na hindi maaaring magkaroon ng paglilipat ng ari-arian sa mga tagapagmana sa bisa ng isang huling habilin hangga’t hindi ito napatutunayan at pinapayagan ng korte. Dahil dito, lumalabas na ipinag-uutos ng batas ang pagdaan sa korte ng isang huling habilin upang magkaroon ito ng legal na bisa.


Para naman sa inyong katanungan kung saan isasampa ang isang aksyon para payagan ang isang huling habilin, nasusulat sa Rule 73 ng Rules of Court na:

“Section 1. Where estate of deceased persons settled. — If the decedents is an inhabitant of the Philippines at the time of his death, whether a citizen or an alien, his will shall be proved, or letters of administration granted, and his estate settled, in the Court of First Instance in the province in which he resides at the time of his death, and if he is an inhabitant of a foreign country, the Court of First Instance of any province in which he had estate. The court first taking cognizance of the settlement of the estate of a decedent, shall exercise jurisdiction to the exclusion of all other courts. The jurisdiction assumed by a court, so far as it depends on the place of residence of the decedent, or of the location of his estate, shall not be contested in a suit or proceeding, except in an appeal from that court, in the original case, or when the want of jurisdiction appears on the record.” (Emphasis supplied)

Makikita sa nabanggit na probisyon na ang isang petition for probate, o petisyon para payagan ang huling habilin, ng isang taong naninirahan na sa ibang bansa, ay dapat maisampa sa Regional Trial Court ng lugar kung saan matatagpuan ang kaniyang ari-arian dito sa Pilipinas. Ang korte na ito ang siyang nakasasakop sa ganitong uri ng petisyon. At dahil dito, ito rin ang may kapangyarihan na magbigay ng hatol kung papayagan ang huling habilin ng isang namayapa, alinsunod sa itinatakda ng batas. Sakaling magdesisyon ang korte na payagan ang isang huling habilin ay saka lamang ito maaaring ipatupad para magkaroon ng bisa.

Mula sa mga nabanggit na ito, makikita na kahit mamamayan na ng ibang bansa ang iyong tito ay kinakailangan pa rin, sa ilalim ng batas ng Pilipinas, na dumaan sa korte ng bansa natin ang kanyang huling habilin upang magkaroon ito ng bisa at maipatupad dito ang paghahati ng mga ari-arian niya sa Pilipinas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page