Gustong bigyan ng mana ang mga magulang na umampon sa kanya
- BULGAR
- Jul 19, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 19, 2021
Dear Chief Acosta,
Inampon ako ng aking mga magulang at dumaan sa korte ang proseso ng pag-aampon sa akin. Dahil maganda ang naging takbo ng aking negosyo, nakapagpundar ako ng mga ari-arian at nakaipon ng malaking halaga. Nais ko lamang malaman kung maaari ko bang maipamana ito sa aking mga magulang kung sakaling ako ay mamatay? – Dianne
Dear Dianne,
Para sa inyong kaalaman, ang Article 342 ng Civil Code of the Philippines ang batas na nakasasakop sa inyong sitwasyon. Ayon sa nasabing probisyon:
“Article 342. The adopter shall not be a legal heir of the adopted person, whose parents by nature shall inherit from him.”
Subalit, ang nabanggit na probisyon ng Civil Code ay naipawalambisa na sa pamamagitan ng Republic Act Number 8552 na may pamagat na “An Act Establishing the Rules and Policies on Domestic Adoption of Filipino Children and for Other Purposes,” na naaprubahan sa Kongreso at naisabatas noong Pebrero 25, 1998. Ayon sa nasabing batas:
“Section 18. Succession. – In legal and intestate succession, the adopter(s) and the adoptee shall have reciprocal rights of succession without distinction from legitimate filiation. However, if the adoptee and his/her biological parent(s) had left a will, the law on testamentary succession shall govern. (Binigyang-diin)
Samakatwid, maaaring magmana ang mga magulang ninyo na siyang nag-ampon na parang tunay ninyong magulang sa mata ng batas. Gayundin, kayo ay maaari ring magmana sa kanila bilang tunay na anak. Ito ay kung walang maiiwang huling habilin o last will and testament ang mga nabanggit na partido.
Kung sakali namang mag-iwan kayo ng huling habilin, ang mga probisyon ng batas kaugnay ng testamentary succession ang masusunod sa paghahati-hati ng inyong maiiwang ari-arian.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments