top of page
Search
  • BULGAR

Gulantang ang madlang pipol sa pagreretiro ni P-Digong!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 05, 2021



Nagsimula na noong Biyernes ang pag-file ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga nais tumakbo ngayong darating na halalan. May mga nauna agad na magsumite ng kanilang COC tulad ni Sen. Manny Pacquiao na tatakbo sa pagka-pangulo ng bansa. Aniya, magreretiro na siya sa boksing upang makapokus sa pulitika. Samantala, ang kanyang kandidato para VP ay si Lito Atienza.


Ang ikinagulat ng marami ay ang pag-anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magreretiro na siya mula sa pulitika, habang si Sen. Bong Go ang kandidatong tatakbong bise-presidente ng PDP-Laban. Pero narinig na natin itong lumang tugtugin. Nag-anunsiyo rin si P-Duterte noong 2015 na magreretiro na mula sa pulitika. Pero nakita naman nating kung ano ang nangyari. Pinalitan niya ang bumitiw na si Martin Diño sa pagkapangulo matapos makitang mataas siya sa pagsusuring isinasagawa noon. Ang huling araw na itinakda ng Comele para magpalit ng kandidato ngayon ay Nov. 15.


Kaya lahat ay binabantayan ang magiging kilos ni Davao City Mayor Sara Duterte. Nag-file na nga siya ng COC para tumakbong mayor muli ng Davao. Pero nagpahayag din siyang hindi siya tatakbong pagka-pangulo kung tatakbo ang kanyang ama sa pagka-VP dahil hindi magandang tingnan ang dalawang Duterte na tumatakbo para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Pero sa pag-atras na ni Pangulong Duterte, bukas na bukas na ang pinto para sa kanya. Nagpahayag pa nga ito na si Sara ang tatakbong pangulo ka-tandem ni Bong Go.


Sa totoo lang, marami ang nakitang ganito ang mangyayari. May higit isang buwan pa para mangyari ‘yan. Wala pang opisyal na kandidato ang PDP-Laban para sa posisyon ng pangulo, lalo na’t wala pang desisyon ang Comelec kung kaninong paksiyon ang opisyal na PDP-Laban, kaya bukas nga ang pinto para manumpa si Sara sa PDP-Laban at siya ang tumakbong pangulo. Lahat naman ng tinatawag na oposisyon ay nais tumakbo kaya wala na talaga ang pinaplanong “united opposition” para tapatan ang mga Duterte. Maliban na lang kung may umatras para suportahan ang kandidatong malakas, ‘di ba? Mangyari kaya?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page