Guarantee letter mula sa mga pulitiko, wawakasan na
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 10, 2026

Sa wakas, mas gagaan ang buhay ng publiko dahil tuluyan nang ititigil ang paggamit ng guarantee letters (GLs) ng mga pulitiko para makakuha ng serbisyong pangkalusugan. Ito ay hakbang palayo sa lumang sistemang pumapabor lamang sa iilan.
Sa ilalim ng 2026 national budget at malinaw na probisyon ng General Appropriations Act, hindi na kailangan ang sulat mula sa kongresista o senador para ma-enjoy ng mahihirap na pasyente ang tulong medikal sa mga pampublikong ospital.
Ipinatupad ng Department of Health (DOH) ang Zero Balance Billing Program, na tinitiyak na walang babayaran ang indigent patients na naka-confine sa ward, kabilang ang gamot at professional fees. Direktang nakikinabang ang pasyente—hindi na kailangan ng palakasan.
Pinagtibay rin ang “anti-epal” provision, na nagbabawal sa presensya, impluwensiya, at branding ng mga halal na opisyal sa pamamahagi ng ayuda. Malinaw na ang kalusugan ay serbisyo publiko, hindi proyekto ng politiko.
Nililinaw na maaari pa ring humingi ng tulong ang pasyente sa kanilang halal na kinatawan, ngunit hindi na kailangan ang guarantee letter sa mga DOH hospital. Kapag may GL man, hindi na ito maaaring i-charge sa Maifip, na may pondo ngayong taon na P51.6 bilyon—pondo ng bayan na dapat mapunta sa pasyente.
Matagal nang tinuring ang Maifip bilang health “pork barrel,” na nagdudulot ng pangamba na nahihila ang pondo mula sa Universal Health Care at PhilHealth. Gayunpaman, totoo ring may mga puwang pa ang coverage ng PhilHealth, kung saan may mga kaso na daang libo ang bill ngunit ilang libo lang ang nasasalo. Dito pumapasok ang panawagan ng mga pasyente: ayusin muna ang sistema, palakasin ang packages, at dahan-dahang i-phase out ang GLs.
Ang karanasan ng mga pasyenteng napipilitang pumila, maghintay, at makiusap para sa sulat ay malinaw na paalala kung bakit kailangang wakasan ang kulturang ito.
Ang bagong patakaran ay pagkakataon para ibalik ang dignidad sa pagpapagamot: walang utang-na-loob, walang pasasalamat sa politiko, tanging karapatang pantao lamang.
Ang tunay na reporma ay mararamdaman lamang ng ordinaryong Pilipino kapag sa oras ng karamdaman, laging bukas ang ospital, direktang nakikinabang ang tulong, at patas ang sistema.
Panahon na upang wakasan ang lumang sistema at gawing pantay para sa lahat ang kakayahang magpagamot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments