top of page

Gretchen Barretto, “ikinakalantari” sa mga nawawalang sabungero, bakit?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 4, 2025
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | July 4, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Ibinisto na ng whistleblower na si alyas “Totoy” ang pangalan nina Atong Ang at Gretchen Barretto.

Maghahalo na ang balat sa tinalupan.


-----$$$--


Ano sa English ang “paghahalo ng balat sa tinalupan”?

Iyan mismo ang ibig sabihin ng “bloodbath”.


----$$$--


ANG bloodbath ay huling ginamit ni VP Sara sa isyu ng impeachment trial.

Pero, inaakala ng mga hindi nakakaunawa ng “konteksto” na ang kasingkahulugan nito sa Tagalog ay “dadanak ang dugo” o dili kaya’y “magdaraan kayo sa ibabaw ng aking bangkay”.

Magkakaiba po iyan.


----$$$--


KAKAUNTI ang nakakaunawa ng lengguwahe at pinalalala ito ng mga media practitioner na gumagamit ng ibang konteksto sa pag-uulat upang magbunsod ng kontrobersiya o intriga.

Obligasyon o responsibilidad ng mga media practitioner na iayos o iangkop sa tumpak na konteksto ang mga nasasagap na impormasyon.


-----$$$--


SA ngayon, bibihira ang mahusay na editor na mag-aayos ng mga ulat mula sa reporter o fieldman bago iimprenta o i-post sa social media.

Kung may problema tayo sa mainstream media, mas grabe ang sitwasyon sa social media — dahil ang content creator ay siya ang reporter, siya ring editor, at siya rin mismo ang publisher.


-----$$$--


Malinaw kung gayon na ang mga viewers, readers, o audience o followers na lang mismo ang magkukusang umunawa, mag-edit at mag-ayos ng kanilang mga nababasa o nakikitang post o content sa kanilang gadgets tulad ng cellphone, laptop at computer.

Isang malaking problema ito na walang solusyon.


----$$$--


Halimbawa, nadadawit ngayon ang pangalan ng aktres na si Gretchen Barretto sa isyu ng “missing sabungeros”.

Ang eksaktong tumpak na termino ay “kalantari”.

Ibig sabihin, “ikinakalantari” ang pangalan ni Gretchen sa mga nawawalang sabungero.


-----$$$--


IBIG sabihin ng kalantari ay itsinitsismis at idinadawit ang pangalan ni Gretchen sa kontrobersiya at isyung legal.

Malalim na debate ‘yan.


----$$$--


ANG kalantari ay pinagsanib na katagang “kalan” at “tari”.

Ang kalan sa English ay stove o gamit sa pagluluto na may apoy.

Ang “tari” ang pinatalas na talim mula sa metal na bagay na ikinakabit sa paa ng manok bago makipagsalpukan sa kapwa manok na mayroon ding “tari”.

Kapag napatay ng tari ang manok, iluluto siya gamit ang “kalan” — lutong pakang ang tawag sa recipe!


-----$$$--


INILALARAWAN ang salpukan ng 2 tandang na may tari na “paghahalo ng balat sa tinalupan”.

Sa gitna ng salpukan, nababalatan at natatanggalan ng balahibo ang mga manok kasabay ng pag-agos ng dugo.


----$$$--


KAPAG parehong matibay at matapang ang manok, maliligo pareho ang magkalabang manok sa dugo na may magkahalong balat at balahibo.

Iyan ang orihinal na pinagmulan ng maghahalo ang balat sa tinalupan.

Iyan din mismo ang bloodbath.


----$$$--


SA demanda at kapwa demanda, at paglantad ng testigong si alyas “Totoy” at ni Atong Ang, inaasahan ang “paghahalo ng balat sa tinalupan”.

Sa nakatakdang impeachment trial ni VP Sara ay ganyan din — “maghahalo ang balat sa tinalupan”.

Dahil mas sosyal at pormal ang impeachment kaysa sabong, ang tawag naman diyan ni VP Sara ay “bloodbath”.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page