Gretchen Barretto, ‘di pa safe sa mga kasong no bail, hirit ng pamilya ng missing sabungeros, isama siya sa kaso
- BULGAR

- 37 minutes ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 16, 2026

HIRIT NG PAMILYA NG MISSING SABUNGEROS, ISAMA SI GRETCHEN BARRETTO SA KASO, KAYA HINDI PA RIN ITO SAFE – Bago ilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa grupo ng gambling tycoon na si Charlie "Atong" Ang kamakalawa, hiniling ng pamilya ng mga nawawalang sabungero noong Enero 5 sa Department of Justice (DOJ) na isama ang aktres na si Gretchen Barretto sa 4-count ng kasong kidnapping with homicide at 15-count ng kasong kidnapping and illegal detention.
Kung ganun, hindi pa rin pala ligtas si Gretchen sa mga kasong ito, na walang posibilidad ng bail. Boom!
XXX
KUNG SA DUTERTE ADMIN UNTOUCHABLE SI ATONG ANG, SA PANAHON NG MARCOS ADMIN AY HINDI – Sa mga akusado sa kaso ng missing sabungeros, bukod-tanging si Charlie "Atong" Ang na lamang ang hindi pa naaresto ng mga awtoridad. Dahil dito, bumuo si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ng isang dedicated team ng mga operatiba na tutugis at aaresto sa gambling tycoon.
Patunay ito na sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Nartatez sa PNP, walang sinumang itinuturing na untouchable. Kung noong panahon ng Duterte administration naging untouchable ang grupo ni Atong Ang (naganap ang mga insidente ng missing sabungeros mula Abril 2021 hanggang Enero 2022), hindi siya ituturing na untouchable sa panahon ng Marcos administration. Talagang gagawin ng PNP chief ang lahat ng paraan para matimbog ang gambling tycoon na ito. Period!
XXX
HILONG-TALILONG AABUTIN NI CONG. KIKO BARZAGA ‘PAG KINASUHAN DIN SIYA NG LAHAT NG MGA MIYEMBRO NG NUP SA MGA PROBINSIYA – Matapos sampahan ni businessman Enrique Razon ng kasong cyber libel si suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga dahil sa isang post sa social media, kung saan inakusahan nitong sinuhulan daw ng negosyante ang mga National Unity Party (NUP) members para iboto si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Kamara, inanunsyo rin ni NUP Chairman at Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno na kakasuhan din niya si Cong. Kiko dahil sa paninira sa reputasyon ng kanilang partido.
Sa kasalukuyan, may 32 kongresistang miyembro ng NUP, at dahil pati sila ay nasangkot sa post ni Cong. Kiko na nagsasabing tumanggap sila ng suhol kay Razon, ang dapat nilang gawin ay sampahan din siya ng cyber libel sa kanilang mga korte sa kani-kanilang probinsya. Kapag ginawa nila ito, asahan na aabutin nang hilong-talilong ang epekto sa mga kaso laban sa kanya sa iba't ibang panig ng bansa. Boom!
XXX
HINDI PA CONGRESSMAN SI LEANDRO LEVISTE NANG I-TERMINATE ANG 24 GOV'T. PROJECTS NG SOLAR PHILIPPINES, KAYA'T KASINUNGALINGAN ANG ININGANGAW-NGAW NIYA NA PINUPULITIKA SIYA – Kasinungalingan ang iningangaw-ngaw ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na ang ibinulgar niyang “Cabral Files” ang dahilan kung kaya’t pinupulitika siya, at naapektuhan rin ang negosyo niyang Solar Philippines.
Mali ito, kasi walang bahid-pulitika ang isyu: bago pa man maging kongresista si Cong. Leviste, wala pang isyu sa flood control scandal, at wala pang isyu sa “Cabral Files” nang i-terminate ng Department of Energy (DOE) ang 24 government energy contracts ng Solar Philippines dahil hindi nito naihatid ang tamang serbisyo sa gobyerno at sa mamamayan. Period!








Comments