top of page

Graduation, para sa mag-aaral, hindi sa pulitiko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 26
  • 1 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 26, 2025



Boses by Ryan Sison

Ang graduation at moving-up ceremonies ay isang mahalagang yugto sa buhay ng bawat mag-aaral. 


Ito ang sandali kung saan kinikilala ang pagsisikap ng mga estudyante, sakripisyo ng mga magulang at dedikasyon ng mga guro. Pero paano kung ang okasyon na ito ay gamitin bilang entablado para sa pangangampanya?


Kaya tama lang na muling ipinaalala ng Department of Education (DepEd) na hindi dapat gamitin ang mga seremonyang ito bilang plataporma sa eleksyon o partisan political activities.


Sa isang memorandum, binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara na ipinagbabawal sa lahat ng opisyal, guro, at empleyado ng DepEd ang anumang aktibidad na may kaugnayan sa pulitika.


Hindi ito bago, matagal nang may polisiya laban dito, tulad ng Department Order No. 48s. 2018 at iba pang regulasyon na layong panatilihin ang propesyunalismo sa sektor ng edukasyon.


Bukod pa rito, pinaalalahanan din ang mga paaralan na gawing simple ngunit makahulugan ang graduation at moving up ceremonies. Dapat walang labis na gastos, mamahaling kasuotan, o engrandeng venue, ang importante ay pahalagahan ang tagumpay ng mga mag-aaral.


Sa huli, ang pagtatapos ay hindi tungkol sa mga pulitiko o kaninong adbokasiya. Ito ay tungkol sa mga estudyanteng nagsikap, sa mga gurong nagtiyaga, at sa mga magulang na nagbigay ng suporta. Kaya’t mas nararapat na ang spotlight ay mapunta sa kanila at hindi sa mga nangangampanya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page