Gov. Garcia, ‘nakasandal sa pader’ kaya utos ng Ombudsman hindi susundin
- BULGAR
- 13 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 3, 2025

KAYA MARAMING NAGKATRABAHO DAHIL PANAHON NG ELEKSYON, AT HINDI DAHIL MAHUSAY NA LIDER SI PBBM -- Nitong nakalipas na Labor Day ay ibinida ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na maraming Pinoy ang nagkatrabaho mula last quarter ng year 2024 hanggang sa kasalukuyan.
Sa totoo lang, hindi dapat ibinibida iyan ni PBBM kasi sa totoo lang, kaya lang naman maraming Pinoy ang nagkaroon ng hanapbuhay ay dahil sa panahon ng eleksyon, ang lahat ng kumakandidato ay kumukuha ng kanilang political coordinator leaders sa bawat barangay, sa bawat sitio, may mga “angels” na taga-bigay ng kanilang mga flyers, workers hanggang watchers.
Iyang panahon ng halalan ang totoong dahilan kaya maraming Pinoy ang nagkaroon ng trabaho, at hindi ang husay sa pamamahala ni PBBM, period!
XXX
QUADCOMM MEMBERS NA MGA REELEKSYUNISTA BAKA MATALO, NANGANGAMPANYA SI VP SARA NA HUWAG SILANG IBOTO -- Nag-iikot si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa mga campaign sortie ng kanyang mga kaalyado na kumakandidato sa local positions at nananawagan na huwag iboto ang mga reeleksyunistang kongresista na miyembro ng Quad Committee ng Kamara.
Dahil sa ginagawang iyan ni VP Sara at sa rami ng kanyang supporters ay mas malamang na talo sa halalan ang abutin ng mga QuadComm member, boom!
XXX
UTOS NA SUSPENSYON SA KANYA ‘DI SUSUNDIN NI CEBU GOV. GWEN GARCIA, DAHIL ‘NAKASANDAL SA PADER’ -- Kahit sinuspinde na ng Ombudsman ng anim na buwan si Cebu Gov. Gwen Garcia kaugnay sa pagbibigay ng special permit sa isang construction company nang walang kaukulang dokumento, ay sinabi ng gobernadora na hindi raw niya susundin ang utos nito (Ombudsman), never daw siyang bababa sa puwesto.
Sa totoo lang, kaya malakas ang loob ni Gov. Gwen na magsabing hindi siya bababa sa puwesto ay dahil “nakasandal siya sa pader,” kaalyado niya kasi si PBBM, period!
XXX
KATITING NA NAMAN ANG OIL PRICE ROLLBACK -- Inanunsyo ng Dept. of Energy (DOE) na next week daw ay may oil price rollback, ang ibabawas daw sa presyo ng kada litro ng gasolina ay P0.25; sa diesel ay P0.30 at sa kerosene ay P0.50.
Hay naku, dalawang sunod na nagkaroon ng bigtime oil price hike, tapos pagdating sa oil price rollback, katiting lang ang ibinabawas, buset!
Komentar