ni Ryan Sison @Boses | July 14, 2024
Good news sa ating mga overseas Filipino workers.
Nasa limang bansa kasi na tax-friendly para sa lahat ng OFWs ang inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa kagawaran ito ay ang mga bansang United Arab Emirates, Singapore, Hong Kong, Bahrain at Switzerland.
Base sa kanilang datos hanggang noong 2022, pumalo na sa mahigit 1.96 milyon ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Karamihan sa kanila ay nananatili at namamasukan sa Asia, Asia, Europe, Australia, North at South America, at sa Africa.
Gayundin, anang kagawaran, majority ng mga OFW o katumbas ng 44.4 porsyento ay nakakuha ng simpleng trabaho at routine task hanggang noong 2022. Habang 15.5 porsyento naman sa kanila ay namamasukan bilang service at sales workers, at nasa 12.4 porsyento ang nagtatrabaho bilang mga plant machine operator at assemblers.
Sa nakasaad sa Philippine Tax Code, ang mga OFW at Filipino citizens na nagtatrabaho at kumikita mula sa ibang bansa ay exempted sa paghahain ng kanilang income tax sa ‘Pinas.
Gayunman, kung ang mga ito ay may negosyo, investment at ang mga pag-aari ay sa ibang bansa, subjected sila sa pagpa-file ng buwis.
Kaugnay nito, napapailalim ang mga OFW sa income tax ng host country, kung saan may mga rate na nag-iiba base sa umiiral na mga batas sa buwis sa bansa.
Mainam na may mga bansang nakatutulong para i-exempt ang ating OFWs sa paghahain ng kanilang income tax.
Tiyak na malaking bawas ito sa kanilang gastusin kung hindi na sila magbabayad ng naturang tax at pandagdag naman ang halagang maiipon para maipadala sa kanilang pamilya.
Magiging magaan na rin ito at hindi na pasanin sa kanila habang masaya silang makapagtatrabaho kahit na sila ay nasa abroad.
Sana lang mas dumami pa ang mga bansang tax-friendly gaya ng limang ito na sumusuporta talaga sa ating mga kababayang OFWs.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments