top of page

Good news sa mga motorista, one RFID lang, all tollways na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 22
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 22, 2025



Boses by Ryan Sison


Matapos ang halos walong taong paghihintay, tuluyan nang natuldukan ang aberyang matagal nang inirereklamo ng mga motorista. Ang hiwa-hiwalay na RFID para sa iba’t ibang expressway. Sa inilunsad na proyekto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na “One RFID, All Tollways,” sapat na ngayon ang isang RFID sticker para makadaan sa lahat ng expressways sa Luzon — mula NLEX, SLEX, SCTEX, CAVITEX, CALAX, hanggang TPLEX at Skyway. Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr), Toll Regulatory Board (TRB), Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na may-ari ng Easytrip, at SMC Infrastructure na nagpapatakbo ng Autosweep. 


Sa wakas, ang dating pahirap na dalawang RFID system ay napalitan na ng interoperability, isang simpleng teknolohiyang may malaking epekto sa araw-araw na buhay ng bawat Pinoy. Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, walong taon ang ginugol bago maipatupad ang sistemang ito dahil sa mga teknikal at regulasyong kailangang talakayin. Dahil dito, tuluyan nang natupad ang pangarap na mula Norte hanggang Sur, at maginhawa na ang pagbiyahe. Maging ang chairman ng MPIC ay nagpahayag ng pagbati sa gobyerno na sa wakas ang proyektong matagal nilang hinintay ay natupad na. Ganito rin ang sentimyento ng SMC Infrastructure, na nagpahayag ng suporta sa bagong sistema at tiniyak ang seguridad at kadalian ng transaksyon. 

Nilinaw naman ni Lopez na hindi kasama sa mga rason ng pagtaas ng toll fees ang One RFID. Dahil ang layunin nito ay mas mapabilis ang daloy ng trapiko at mabawasan ang abala sa mga toll plaza, lalo na sa mga motorista na dati’y nag-aalangan kung alin sa dalawang RFID ang gagamitin.

 Ang hakbanging ito ay hindi lamang tungkol sa mas madali at mabilis na pagbiyahe, ito ay sumasalamin sa epektibong koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor. 

Sa panahon kung saan madalas sabihing mabagal ang ating pag-asenso, pinatunayan ng proyektong ito na kapag gusto, may paraan. 

Ang One RFID ay higit pa sa sticker na ikinakabit sa ating mga sasakyan, ito ay tanda ng pag-unlad, modernisasyon, at malasakit sa bawat mamamayan. Isa rin itong paalala na kapag nakikinig ang pamahalaan sa mga hinaing ng taumbayan, nagkakaroon ng direksyon ang bawat plano at nagbibigay daan sa ating bansa para sa tunay na pagkakaisa at pagbabago.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page