top of page

Good news sa lahat ng kasambahay sa NCR

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 9, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 9, 2024



Boses by Ryan Sison

Siguradong labis na kasiyahan ang maidudulot ng magandang balitang ito para sa lahat ng kasambahay sa National Capital Region (NCR). 


Dahil inaasahang tataas ang sahod ng mga kasambahay sa naturang rehiyon.

Ayon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), nakatakda silang magsagawa ng public hearing hinggil sa wage adjustment ng mga domestic worker, na gaganapin sa November 25 sa Philippine Trade Training Center sa Pasay City.


Sinabi ng RTWPB na inimbitahan nila ang mga stakeholder na makiisa sa nasabing hearing dahil ang kanilang mga input ay itinuturing na mahalaga sa pagbalangkas ng isang bagong wage order.


Hinikayat din nila na magsumite ang mga ito ng mga position paper sa RTWPB patungkol sa nasabing panukala.


Matatandaang noong January ay inaprubahan ng RTWPB ang umento na P500, kaya naging P6,500 kada buwan ang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila.


Iniutos naman ng wage boards sa ibang mga rehiyon ang salary adjustments para sa mga kasambahay.


Kapag natapos na ang naturang pagdinig at naibaba ang kautusan, tiyak makakatanggap ang ating mga kasambahay na nasa NCR ng dagdag sa kanilang sahod.


Ang ibibigay kasing umento para sa mga kasambahay ay malaking tulong hindi lamang para sa kanila kundi maging sa kanilang pamilya.


Sa taas ba naman ng bilihin, gastusin at mga bayarin ay talagang kulang na kulang na pantustos para sa kanilang mga pangangailangan.


Kaya tama lang na bigyan sila ng increase para kahit paano ay matumbasan naman natin ang ginagawa nilang pag-aasikaso at pag-aalaga sa atin.


Marahil, sa ganyang paraan ay mas sisipagin sila sa paglilingkod at pag-alalay sa ating kailangan habang hindi na sila makakaisip pa na umalis sa atin. 


Hiling natin sa kinauukulan na huwag na sanang patagalin pa at agad na maaprubahan ang dagdag-sahod para sa ating mga kasambahay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page