Good news sa lahat ng gov't workers
- BULGAR
- Aug 3, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 3, 2024

Good news para sa mga manggagawa ng gobyerno dahil matatanggap na nila ang umento sa kanilang sahod.
Dapat nilang asahan ang dalawang tranches ng wage increase, na sumasaklaw sa mga taong 2024 at 2025, kung saan magre-reflect sa kanilang mga suweldo simula January next year.
Ito ay matapos maglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P70 bilyon sa proposed P6.352-trillion 2025 national budget para sa pagtaas ng sahod ng mga state worker.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, isinama nila ang P70 bilyon sa Fiscal Year 2025 Miscellaneous Personnel Benefits Fund upang masakop ang mga kinakailangan sa pagpopondo para sa Tranches 1 at 2. Aniya, ito ang naging kaso dahil ang Personnel Services budget ng bawat ahensya sa ilalim ng National Expenditure Program ay nakabatay pa rin sa 2023 rates.
Pahayag ng kalihim na ang P70 bilyon na nakalaan para sa salary increase ng mga government worker ay magiging P35 bilyon para sa Tranche 1 at isa pang P35 bilyon para sa Tranche 2.
Sa naganap na briefing ng Palasyo noong Huwebes, sinabi ni Pangandaman na ang unang tranche ng salary adjustment ngayong taon ay magiging retroactive, na sumasaklaw sa period mula January hanggang December 2024.
Ang retroactive salary hike sa taong 2024 ay maisasabay din sa scheduled adjustment para sa taong 2025.
Positibo naman ang naging tugon ng DBM chief nang tanungin siya hinggil sa salary adjustment na maaaring asahan ng isang government worker simula January next year ay ang adjusted rate para sa 2024, gayundin ang adjusted rate para naman sa 2025. Idiniin niyang kasama na ang second tranche.
Maliban sa dagdag-sahod, mayroon ding aasahang P7,000 cash na medical allowance ang mga kawani ng gobyerno, kung saan nasa P9.6 bilyon ang inilaang pondo para rito.
Ayon pa sa DBM, inaasahang makikinabang sa mga government worker na taas-sahod ay 165,007 sub-professionals; 1,170,647 professionals, gaya ng mga guro at abogado; at 22,640 kawani sa executive functions. Batay pa sa datos ng kagawaran, ang bilang ng mga permanenteng posisyon sa buong burukrasya ay nasa 1.943 milyon, na kinabibilangan ng parehong civilian at military/uniformed personnel.
Tiyak na lalong sisipagin ang ating mga kababayang nagtatrabaho sa gobyerno dahil sa inaasahan nilang pagtaas ng kanilang suweldo.
Hindi lang iyon, mayroon pa silang matatanggap na medical allowance na mahalaga para mapangalagaan ang kanilang kalusugan.
Kumbaga, magiging malaking pakinabang talaga ito sa lahat ng government employee pati na rin ng kanilang pamilya.
Hiling lang natin sa kinauukulan na bukod sa pagsasaayos ng mga suweldo ng mga taga-gobyerno ang pagtuunan ng pansin ay tingnan din nila ang mga sahod naman ng mga ordinaryong manggagawa, para kahit paano ay maresolbahan natin ang suliranin sa kahirapan at kagutuman dahil sa kawalan ng trabaho at ikabubuhay ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments