top of page

Good news, professional fees ng doktor, kasama na sa 100% coverage ng MAIFIP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 56 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 20, 2026



Boses by Ryan Sison


Palawakin pa ng Department of Health (DOH) ang bagong guidelines para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) bago matapos ang Pebrero.


Sa gitna ng tumataas na gastusin sa ospital at gamot, malinaw na layunin ng pamahalaan na magbigay ng tulong medikal bilang karapatan ng mamamayan, hindi bilang pabor na idinadaan sa pulitika.


Ang bagong MAIFIP guidelines ay nakabatay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang paggamit ng guarantee letters mula sa mga halal na opisyal upang mabayaran ang hospital bills ng mga pasyente. Nakasaad ito sa 2026 General Appropriations Act at isang malinaw na pagputol sa lumang kultura ng pagkakaroon ng “backer” bago makagamot o makakuha ng gamot. Sa halip na palakasan, sistema ang uunahin—isang hakbang na matagal nang hinihintay ng karaniwang mamamayan.


Hindi na lamang limitado sa loob ng ospital ang saklaw ng tulong. Palalawakin ito upang maisama ang outpatient at specialized services gaya ng ambulatory care, ambulatory surgical clinics, eye centers at ophthalmology services, dental services, free-standing dialysis clinics, at mga gamot na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA). Para sa maraming pamilya, ang mga serbisyong ito ang madalas na isinasantabi dahil sa kakulangan ng pera, kaya ang expansion na ito ay direktang tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan.


Isa sa pinakamahalagang reporma ay ang ganap na pagsama sa professional fees ng mga doktor sa 100% coverage. Matagal nang butas sa sistema ang professional fees na kadalasang nagiging dahilan kung bakit hindi tuluyang gumagaan ang pasanin ng pasyente kahit may medical assistance na. Sa bagong patakaran, malinaw ang pangako: hindi kalahati, kundi buong makataong tulong ang matatanggap ng pasyente.


Suportado rin ng mas mataas na pondo ang lahat ng ito. Mula sa P41.1 bilyon noong 2025, umakyat sa P51.6 bilyon ang alokasyon para sa MAIFIP ngayong 2026, na nagpapakita ng konkretong puhunan ng gobyerno sa pagbabago, hindi lamang sa salita.


Ang bagong MAIFIP guidelines ay hindi lang usapin ng badyet o polisiya; ito ay usapin ng dignidad. Kapag ang kalusugan ay hindi na kailangang ipakiusap, doon mararamdaman ng taumbayan na gumagana ang gobyerno para sa kanila. Mahalagang tiyakin ang maayos na implementasyon, malinaw na impormasyon, at patas na access.

Kung magtatagumpay ito, maaaring maging tunay na sandigan ang MAIFIP ng Pilipinong may sakit at kapos sa buhay.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page