Good news: ‘Pinas, ‘di na kulelat sa Math, Reading at Science

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 10, 2026

Nitong nakaraang Martes, nabalitaan natin na nakamit ng Pilipinas ang pinakamataas na marka nito sa Programme for International Student Assessment (PISA) simula noong una tayong lumahok sa nasabing international assessment noong 2018.
Ang PISA ay isinasagawa kada tatlong taon ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) upang sukatin ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral na 15-taong gulang pagdating sa Reading, Mathematics, at Science.
Noong lumabas ang resulta ng 2018 PISA noong 2019, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading, at pangalawang pinakamababa sa Mathematics at Science.
Pitumpu’t siyam na bansa ang lumahok sa PISA noong 2019. Sa pinakahuling round ng PISA na ginanap noong nakaraang taon, lumalabas na ang Pilipinas ang may pinakamalaking itinaas na marka pagdating sa Reading.
Kung ihahambing natin ang resulta ng 2025 PISA sa 2022 PISA, tumaas ng 17 puntos ang marka ng ating bansa pagdating sa Science, 16 puntos naman sa Mathematics, at 20 puntos pagdating sa Reading.
Ikinagagalak natin ang mas magandang performance natin sa PISA para sa taong 2025. Ipinapakita ng mga resulta nito na may ibinunga ang sinimulan nating mga reporma sa edukasyon, at kailangan nating ipagpatuloy ang ating mga nasimulan upang maiangat pa lalo ang kakayahan ng ating mga mag-aaral.
Bagama’t nakita natin ang pagtaas sa ating marka sa PISA, karamihan sa ating mga mag-aaral na 15-taong gulang ay hindi pa rin nakakamit ang minimum proficiency sa Reading, Mathematics, at Science.
Pagdating sa Science, 32% lamang sa ating mga mag-aaral ang may minimum proficiency, habang 21% naman ang sa Mathematics, at 31% naman sa Reading.
Sa madaling salita, maituturing na hindi pa sapat ang kaalaman at kakayahan ng pito hanggang walo sa sampung mag-aaral sa ating bansa pagdating sa tatlong larangan na sinukat ng PISA.
Kaya naman mahalagang ipagpatuloy natin ang mga repormang sinimulan natin, hindi lamang dahil gusto natin ng mas magandang marka sa isang international large-scale assessment. Higit pa rito, gusto nating makamit ng ating mga mag-aaral ang kahusayan at kahandaan para sa mas magandang kinabukasan.
Titiyakin naman ng inyong lingkod na magpapatuloy ang suporta sa mga programang tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, lalo na pagdating sa pondo.
Matatandaang batay sa pagsusuri na ginawa ng nonprofit organization na Youth Impact, kasama ng Department of Education (DepEd) at World Bank, lumabas na nabawasan tayo ng 4.5 milyong struggling readers o mga mag-aaral na nahihirapang bumasa nitong School Year 2026-2027 dahil sa ARAL Program.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments