Good news para sa mga guro: Hospital benefits, isinusulong na
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 8, 2026

Karapatan ng ating mga guro ang makatanggap ng tamang atensyon sa kanilang kalusugan. Sa mahabang panahon, tila ito ang isa sa mga pinakakalimutang aspeto ng sistema ng edukasyon.
Sa gitna ng mabibigat na tungkulin, siksikan na klase, at responsibilidad sa paghubog ng kabataan, madalas na hindi nabibigyan ng pansin ang kalusugan ng mga pampublikong guro.
Kaya’t ang paghahain ng isang senador ng Senate Bill No. 1585 o Public School Teachers’ Hospital Benefits Act ay hindi lamang simpleng panukala—ito ay paninindigan para sa dignidad ng mga guro.
Layunin ng panukala na gawing institusyonal, garantisado, abot-kaya, at accessible ang serbisyong pang-ospital para sa lahat ng public school teachers at kanilang mga dependents.
Sa ilalim nito, obligadong magbigay ang lahat ng pampublikong ospital ng preventive, promotive, diagnostic, curative, at rehabilitative health care. Kasama rin ang hindi bababa sa 10% diskuwento sa konsultasyon at pagpapa-ospital, pati na rin ang pagtatatag ng fast-lane facilities para sa mga guro.
Hindi kathang-isip ang pinanggagalingan ng panukalang ito. Batay sa isang pag-aaral noong 2023 na inilathala sa Acta Medica Philippina, mataas ang kaso ng stress-related disorders, altapresyon, at musculoskeletal problems sa hanay ng mga guro. Kinilala rin ng World Health Organization (WHO) ang matinding panganib ng burnout at chronic fatigue ng mga educators kapag kulang ang suporta sa healthcare.
Sa kabila nito, nananatiling pira-piraso at limitado ang benepisyong medikal na natatanggap nila. Sa kasalukuyan, may P7,000 medical allowance mula sa DepEd ang mga guro, ngunit hindi ito sapat para sa laboratory tests, confinement, at gastusing medikal ng kanilang pamilya. Mas lalong kitang-kita ang agwat kung ihahambing sa ibang sektor ng gobyerno tulad ng PNP at AFP, na may sariling ospital at prayoridad para sa kanilang mga tauhan.
Ang isyung ito ay hindi lamang para sa mga guro. Kapag may sakit ang guro, apektado ang klase. Kapag pagod at problemado ang guro, apektado ang mag-aaral. Kapag
pinabayaan ang guro, buong komunidad ang nadadala.
Ang panukalang batas na ito ay pagkilala na ang kalidad ng edukasyon ay nagsisimula sa kalusugan ng mga nagtuturo.
Ang Public School Teachers’ Hospital Benefits Act ay paalala na ang malasakit sa guro ay malasakit sa kinabukasan ng bayan. Ang pag-aalaga sa kanilang kalusugan ay nararapat lamang, dahil ito ang pundasyon ng isang makatao at makatarungang lipunan—lalo na para sa kinabukasan ng ating mga kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments