GomBurZa noon, ngayon at bukas
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 15, 2026

Anumang pangyayari ay may kahapon, ngayon, at bukas. Kaya ganito ang naging tema ng pagdiriwang ng ika-40 Taong Anibersaryo ng EDSA People Power Revolution: People Power Noon, Ngayon, Bukas!
Kadalasan, “EDSA Uno” ang tawag natin sa mga naganap mula Pebrero 22 hanggang 25, 1986. Dahil dito, napapako ang pag-unawa sa isang tiyak na lugar at panahon sa kasaysayan. Ito ang karaniwang suliranin sa pagtuturo at pag-aaral ng kasaysayan—labis na pagbibigay-diin sa mga petsa, lugar, at tauhan, habang nakakaligtaan ang mas malalim na konteksto: ano ang kalagayan ng lipunan at ano ang umiiral na kapaligiran nang maganap ang mapayapang People Power Revolution?
Saksi tayo sa mga panahong iyon. Sampung taong gulang ako noong 1965, taon ng halalan at umuugong ang pangalan ni Ferdinand E. Marcos. Madalas kong marinig ang pag-uusap ng aking ama at ng kanyang mga kapatid: mahusay, matalino, at kahanga-hanga raw magsalita si Marcos—tila walang binabasa ngunit tuluy-tuloy kung magsalita. Paulit-ulit silang hinihikayat ng aking ama na iboto siya. At marami nga ang nabighani sa kanyang talino at karisma.
Mula 1965 hanggang sa pagtatapos ng kanyang unang termino noong 1969, mataas ang paghanga ng marami sa pangulo. Ngunit unti-unting nagbago ang ihip ng hangin sa kanyang ikalawang termino. Lumaganap ang balita tungkol sa mga “Blue Ladies,” mga magagarbong biyahe at pamimili sa ibang bansa, at mga mararangyang pagtitipon sa Malacañang. Unti-unti ring nabuo ang reputasyon ng ilang malalapit sa pangulo bilang mga “cronies,” habang nababalitaang lumalaki ang yaman ng mag-asawa.
Pagsapit ng unang bahagi ng dekada ’70, lumitaw ang mas mabibigat na suliranin, kabilang ang lumalalang banta ng komunismo at ang mga pag-atake na iniuugnay sa New People’s Army. Noong Agosto 21, 1971, sumabog ang bomba sa isang rali ng Liberal Party sa Plaza Miranda—may mga namatay at maraming sugatan. Agad itong ibinintang sa mga komunista. Mabilis na naghigpit ang pamahalaan. Dumami ang presensya ng pulis at militar. Naging mabigat ang atmospera—tila laging may bantang nakabitin sa hangin.
At noong Setyembre 21, 1972, binasa ni Francisco “Kit” Tatad ang Proclamation 1081 na naglalagay sa buong bansa sa ilalim ng Batas Militar.
Kasisimula pa lamang namin noon sa kolehiyo. Nabawasan nang malaki ang mga karapatang pantao. May curfew. Hindi maaaring magpulong nang walang pahintulot. Bawal ang mga polyeto at babasahing itinuturing na “rebolusyonaryo.” Sa ganitong kalagayan isinilang noong 1977 ang samahang GomBurZa. Simple ang layunin: ipakita ang malinaw na ugnayan ng pananampalataya sa Diyos at pagmamahal sa Inang Bayan. Ang aming paninindigan: “Kristiyano Ako, Kaya Makabayan.”
Kamakailan ay binisita namin ang mga artist na gumagawa ng mural sa gilid ng EDSA Shrine. Ipinapakita sa kanilang obra ang papel ng simbahan, lalo na ng kaparian. Sa itaas, sa dulong kaliwang bahagi ng canvas, makikita ang larawan ng paring ginagarote—paalala ng sakripisyo. Sa ibaba nito, inilagay ang itim na garote bilang sagisag ng patuloy na pagdaloy ng kasaysayan—mula noon, patungo sa ngayon, at hanggang sa bukas.
Sa iba’t ibang panahon, nanatiling masigasig ang pakikisangkot ng ilang bahagi ng kaparian sa mga usaping panlipunan. May mga grupong tulad ng Clergy for the Moral Choice at Clergy for Good Governance na nagpapahayag ng kanilang paninindigan sa mga isyung pambansa.
Matagal nang pumanaw sina Gomez, Burgos, at Zamora. Ngunit nananatiling buhay ang kanilang diwa sa mga mulat at nakikibahaging lingkod ng simbahan.
GomBurZa noon. GomBurZa rin ngayon.








Comments