top of page

Gobyerno, nagpasaklolo na sa pribadong sektor sa pagtugon sa kakulangan ng klasrum

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 27
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 27, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa harap ng lumalalang kakulangan ng silid-aralan sa iba’t ibang panig ng bansa, dapat na itong tugunan lalo’t nalalapit na rin ang pasukan. 


Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na dapat pabilisin ang pagtatayo ng mga karagdagang klasrum sa tulong ng pribadong sektor. 


Sa pulong ng Regional Development Council sa Dagupan City, Pangasinan, binigyang-diin ng Pangulo na kailangang gamitin muli ang public-private partnerships (PPP) upang maisakatuparan ito sa mas mabilis at mas matipid na paraan.


Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni PBBM na ang ganitong uri ng kasunduan ay napatunayang epektibo sa pagpapabilis ng mga proyekto ng gobyerno, at ito rin ang dapat na maging direksyon sa pagpapatayo ng mga silid-

aralan.


Nakapaloob sa plano ng Department of Education (DepEd) ang konstruksyon ng halos 3,000 klasrum sa Ilocos Region mula 2025 hanggang 2030. Subalit, ayon sa Pangulo, hindi dapat hintayin pa ang 2030 para matapos ito.


Bukod sa mga silid-aralan, kasama rin sa panukalang budget ng DepEd para sa 2026 ang pagdagdag ng mga school principal, administrative officer, school counselor associate, at project development officer sa rehiyon. Sinisikap din ng kagawaran na punan ang mga bakanteng posisyon ng guro at regular na inaayos ang alokasyon ng teaching items kada taon.


Ang panawagan ng Pangulo na pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan gamit ang PPP ay isang hakbang sa pagtugon sa matagal nang problema sa edukasyon. 


Marahil sa kasalukuyang sitwasyon, hindi sapat ang pondo at kakayahan ng gobyerno para tugunan nang mag-isa ang kakulangan sa pasilidad ng mga paaralan. Sa tulong ng pribadong sektor, maaari itong maresolba sa mas mabilis na paraan — basta’t masiguro lamang na ang kalidad, transparency, at accountability ay nananatiling prayoridad.


Nakakabahala na sa isang rehiyon na mataas ang literacy rate gaya ng Ilocos, ay nagkukulang ng mga klasrum, pasilidad at marami pang iba. 


Kung hindi agad maaaksyunan, maaari itong makaapekto sa kalidad ng edukasyon sa hinaharap. Tila taun-taon na lang ay problema pa rin ang silid-aralan. Panahon na para seryosohin ng pamahalaan at pribadong sektor ang kanilang papel sa pagpapatibay ng pundasyon ng edukasyon — dahil ang kinabukasan ng kabataan ay nakasalalay din naman sa maayos na sistema ng naturang sektor.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page