top of page
BULGARY - FYANG, SINABIHANG ANG KAKAPAL NG MUKHA NG MGA TODO-SUPPORT SA THAI ACTORS KESA M

Go Negosyo at OCTA Research, pormal na nagsanib-puwersa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 21, 2021
  • 3 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | October 21, 2021





Hello, Bulgarians! Sinelyuhan ng Go Negosyo at OCTA Research ang kanilang pagsasanib-puwersa ngayong araw sa pagpirma sa memorandum of understanding (MOU) kasunod ng serye ng tagumpay para sa pribadong sektor at iba’t ibang negosyo.


Ang MOU ay pinirmahan ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion at Ranjit Rye, pangulo ng OCTA Research.


Sa ilalim ng MOU, magsisilbi ang OCTA Research bilang advisory team ng Go Negosyo pagdating sa pagsusuri ng mga datos at numero tungkol sa COVID-19, kabilang ang bagong kaso, reproduction number, hospital utilization, vaccination data at iba pang mahalagang detalye.


Ang data analytics mula sa OCTA Research ang magbibigay-gabay at paglilinaw sa Go Negosyo sa mga gagawin nitong panukala at desisyon sa pagtulong sa mga MSMEs sa bansa.


Magugunitang nagtuwang ang dalawang grupo, kasama ang pribadong sektor, para ipanawagan sa gobyerno na magpatupad ng mahigpit na lockdown sa NCR sa loob ng dalawang linggo noong Agosto. Ang sakripisyong ito ay nakabatay sa data analysis na ang bugso ng kaso ay bababa pagsapit ng Oktubre ngayong taon.


Tutulong din ang OCTA Research sa Go Negosyo sa pagbuo ng mga istratehiya at panukala sa muling pagbubukas ng ekonomiya na batay sa datos at siyensiya at magbahagi ng mga kaalaman at mga natutuhang aral sa COVID-19 response ng gobyerno, maliban pa sa iba pang pagkilos.


“For several weeks, Go Negosyo and OCTA Research have partnered in providing valuable and useful COVID-19 data for the perusal and consideration of both government and private stakeholders,” wika ng dalawang grupo sa isang pahayag.


“Our joint effort resulted in various wins for the private sector and other business industries, including the downgrading of Metro Manila to Alert Level 3,” dagdag pa nila.


Ngayong opisyal na ang kanilang partnership, parehong umaasa ang Go Negosyo at OCTA Research na magtatamo pa sila ng maraming tagumpay sa kanilang kasalukuyan at darating pang mga pagkilos.


Nakipagpulong kamakailan si Concepcion at ilang several OCTA Research fellows, sa pangunguna ni Fr. Nicanor Austriaco, sa Department of Health (DOH) upang talakayin ang kanilang panukala na mas malinaw at nakabatay sa siyensiyang pagkilos para sa pagdetermina ng alert level sa Metro Manila.


Sa kanilang pulong sa DOH, na kinatawan ni Dr. Alethea De Guzman mula sa Epidemiology Bureau, iprinisinta nina Concepcion, Austriaco, at iba pang OCTA Research fellows ang kanilang rekomendasyon, kabilang ang paggamit ng datos mula sa bilang ng aktibong kaso, vaccination data, at hospitalization status ng mga positibong kaso para madetermina ang alert level sa NCR.


“We propose to link alert levels to percentage of total active cases in the National Capital Region that require hospitalization,” wika ni Austriaco, na ibinatay ang rekomendasyon sa pag-aanalisa niya sa critical threshold level ng aktibong kaso sa National Capital Region.


Ipinakita naman ni Dr. Guido David, isa pang OCTA Research fellow, ang scoring system na nakabatay sa ADAR (average daily attack date), HCUR (healthcare utilization rate), positivity rate at reproduction numbers na maaari ring gamiting batayan para alamin ang risk level.


Ipinanukala naman ni Dr. Michael Tee na isama ang populasyon ng mga kumpleto na ang bakuna bilang sukatan sa alert system level. Sa ngayon, inaaasahan na aabot sa 80 porsiyento ang vaccination rate sa NCR sa pagtatapos ng Oktubre habang nagsimula na ngayong buwan ang pagbabakuna sa mga batang edad 12 hanggang 17.


Tagumpay naman ang kolaborasyon sa pagitan ng Go Negosyo at OCTA Research nang ibaba ng pamahalaan ang Metro Manila sa Alert Level 3 hanggang Oktubre 31, na nagbigay-daan sa dagdag-kapasidad para sa negosyong nasa indoor at pagbubukas ng iba pang industriya, tulad ng spas, sinehan at iba pang establisimiyento.


Ngayong pababa na ang bilang ng kaso ng COVID-19, sinabi ng OCTA Research na may posibilidad na ilagay ang Metro Manila sa Alert Level 2 simula sa susunod na buwan.


Bunsod ng inaasahang paglakas ng paggastos ng mamimili ngayong panahon ng kapaskuhan, nais ni Concepcion na madagdagan pa ang kapasidad ng mga negosyo sa huling bahagi ng taon upang mabawi nila ang lugi dahil sa lockdown at makakuha sila ng kailangang buwelo para sa operasyon nila sa susunod na taon.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page