top of page

Giyera ng makapangyarihan, pasan ng mundo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 8, 2026



Fr. Robert Reyes



Sino ang karaniwang naghahamon o nagsisimula ng gulo o giyera sa mundo—kababaihan o kalalakihan?


Sa mga unang araw ng buwang ito, nagpabagsak ng mga bomba sa Iran ang pinagsanib na puwersa ng Israel at Estados Unidos. Sa pangunguna ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos, na sinuportahan ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ng Israel, nagpakawala sila ng mga bomba na sumira sa ilang gusali at tahanan sa Iran.


Hindi nagtagal ang tugon ng bansang binomba. Agad gumanti ang Iran at pinadalhan ng mga missile ang ilang kaalyado ng Israel at Estados Unidos. Bumagsak ang mga missile sa Israel, Bahrain, Kuwait, Jordan at Cyprus. Samantala, binomba rin ng Israel ang Lebanon.


Sa unang pag-atake sa Iran, umabot sa 175 katao—karamihan ay mga bata—ang nasawi. Kabilang din sa napatay ang pinuno ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei. Mag-iisang linggo na mula nang simulan ng Israel at Estados Unidos ang pagbomba sa Iran.

Mabilis ang naging negatibong epekto nito sa buong mundo. Agad tumaas ang presyo ng langis. Sa loob lamang ng isang linggo, nagbabantang tumaas ng hanggang sampung piso bawat litro ang krudo at gasolina. Siyempre, kasunod nito ang pagtaas ng presyo ng iba pang bilihin.


Tinawag ni Pangulong Donald Trump ang pag-atake sa Iran na “Giyera ng Paglaya.” Hinikayat pa niya ang mga mamamayan ng Iran na lumaban at bawiin ang kanilang pamahalaan mula sa mga umano’y umaapi sa kanila.


Ngunit kakayanin bang magkaroon ng “regime change” sa pamamagitan ng malawakang pagbobomba? Marami nang pag-aaral ang nagsuri sa ganitong paraan ng pagpapalit ng rehimen. Ipinapakita ng mga pag-aaral mula pa noong World War I na bagama’t napahihina ang militar ng binobombang bansa at nasisira ang mga imprastruktura nito, hindi nito nakukuha ang kooperasyon ng mamamayan ng bansang inaatake.


Kung tunay na nais ang pagbabago sa pulitika, kinakailangan ang mga prosesong tulad ng negosasyon, pagtataguyod ng mga institusyon, at lehitimong pagsasalin ng kapangyarihan. Malinaw na hindi ito ang piniling landas ng Estados Unidos at Israel.

Ang pangbobomba at pagwasak lamang ang nakikitang hakbang. Wala pang malinaw na plano para sa maayos at mapayapang pagbabago. Para lamang itong mga maliliit na alitan sa barangay—nagkapikunan, nagkatinginan nang masama, nagkasagutan—hanggang mauwi sa suntukan at gulo.


Ayon sa mga ulat, halos walang malinaw na negosasyong nagaganap upang makamit ang mapayapang kasunduan sa pagitan ng Israel, Estados Unidos at Iran. Sa halip, tuluy-tuloy ang mga tangka ng Israel na hadlangan ang programang nukleyar ng Iran sa pamamagitan ng cyber attacks at sabotahe, sa halip na bukas na pag-uusap tungo sa kapayapaan.


Para naman kay Trump, nais niyang pigilan ang paglawak ng kakayahang nukleyar ng Iran at ang posibleng pagbuo nito ng armas nukleyar na maaaring magbanta sa seguridad ng Estados Unidos.


Anuman ang dahilan ng pag-atake, matindi ngayon ang diskusyon kung legal ba o hindi ang desisyon ni Pangulong Trump na bombahin ang Iran. Ayon sa maraming kritiko, labag ito sa batas dahil hindi dumaan sa pagdinig ng Kongreso ang planong ito. Hindi maaaring basta magpasya ang pangulo ng Estados Unidos na magsimula ng giyera nang walang konsultasyon o pag-apruba mula sa Kongreso.


Matagal na ring binabatikos si Trump dahil sa umano’y hindi pakikinig sa opinyon ng iba sa kanyang mga desisyon. Bago pa man ang pag-atake sa Iran, sinimulan na rin niya ang matinding kampanya laban sa mga tinatawag niyang “ilegal na migrante.” Pinakilos ang Immigration and Customs Enforcement (ICE), na nagresulta sa libu-libong pagkakaaresto at deportasyon. Ilan na rin ang nasawi sa mga kilos-protesta na kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos.


Ganito kadalas nagsisimula ang mga mararahas at di makatarungang programa—sa pamamagitan ng puwersa, dahas, at paggamit ng mga sandata ng digmaan, mula sa baril hanggang tangke, eroplano at barkong pandigma.


Mas lalong nakalulungkot na nagaganap ang mga ito ngayong Buwan ng Kababaihan. Kapag inalala natin ang papel ng kababaihan sa lipunan, unang pumapasok sa isip ang ating mga ina—ang mga nagdala sa atin sa kanilang sinapupunan, nagsilang, at nag-aruga sa atin hanggang sa lumaki. Sila ang simbolo ng pagbibigay-buhay, pag-aaruga at pagprotekta laban sa panganib.


Nanawagan ngayon ng tigil-putukan si Papa Leo XIV. Ganoon din ang panawagan ng maraming ina sa buong mundo—protektahan ang mga anak at ibalik ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-uusap, hindi ng lakas laban sa lakas o armas laban sa armas.

Paulit-ulit na paalala ng mga ina at kababaihan:

Buhay, hindi bala.


Kahinahunan, hindi kamatayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page