top of page

Ginkgo biloba at epekto nito sa learning at memorya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 10, 2026



Sabi ni Doc Virgin Coconut Oil


Dear Doc Erwin, 


Magandang araw, Doc. Ako po si Ethan, isang mag-aaral sa kolehiyo at masugid na tagasubaybay ng inyong “Sabi ni Doc” na column sa BULGAR newspaper. Tulad po ninyo, pangarap ko rin na maging isang doktor balang araw. Maraming salamat sa inyong mahahalagang payo at kaalaman na patuloy na gumagabay at tumutulong sa amin upang mas mapangalagaan ang aming kalusugan.


Nais ko sanang itanong kung ang Ginkgo biloba ay talagang nakatutulong bilang pampatalas ng memorya, lalo na para sa mga estudyanteng tulad ko. Totoo po ba na nakapagpapabuti ito ng memorya at konsentrasyon sa pag-aaral? At higit sa lahat, ligtas po ba itong gamitin ng mga kabataang nag-aaral na nagnanais pang mapahusay ang kanilang pagkatuto? — Ethan



Lubos na pasasalamat, Ethan, sa iyong liham at sa patuloy mong pagsubaybay sa ‘Sabi ni Doc’ at sa pagbabasa ng dyaryong BULGAR.


Ang Ginkgo biloba ay isang halamang gamot na kilala bilang “smart drug” dahil pinaniniwalaang nakatutulong sa pagpapabuti ng memorya, konsentrasyon, at daloy ng dugo sa utak. Ito rin ay kilala bilang maidenhair tree at nag-iisang uri ng halaman sa pamilyang Ginkgophyta at order na Ginkgoales. Ayon sa mga pag-aaral na inilathala sa journal na Evidence-Based Complementary and Alternative Medicine noong 2016, ang halamang ito ay may neuroprotective effect, o kakayahang protektahan ang utak laban sa pagkasira ng mga nerve cells. 


Ipinapakita rin ng ilang mga pananaliksik na maaari itong makatulong sa mga taong may Alzheimer’s disease at Dementia, dahil sa kakayahan nitong kumilos bilang antioxidant at tumulong sa pagpigil sa mga prosesong may kaugnayan sa mga sakit na nabanggit.


Ipinakita rin sa mga pag-aaral na ang katas mula sa mga dahon ng Ginkgo biloba ay maaaring makatulong sa pagbabawas ng pagbuo ng amyloid-β fibrils, na may kaugnayan sa pagkasira ng mga cells sa utak. Maaari din nitong mapababa ang apoptosis o pagkamatay ng mga cells at mapahina ang aktibidad ng caspase-3, isangenzyme na may kinalaman sa cell death. 


Dahil dito, ipinapalagay na may anti-amyloidogenic property ang halamang ito na tumutulong pigilan ang pagbuo ng amyloid fibrils sa utak. Mayroon din itong mga compound na kabilang sa terpenoids, tulad ng bilobalide at ginkgolide, na pinaniniwalaang may papel sa pagpapabuti ng memorya. Ayon sa ilang pag-aaral, ang mga compound na ito ay maaaring makatulong na pigilan ang epekto ng amyloid peptide sa long-term potentiation (LTP), isang mahalagang proseso sa utak na may kinalaman sa pagkatuto at pag-alala.


Sa isang pag-aaral na inilathala sa International Journal of Research and Review noong Hunyo 2025, sinuri ang epekto ng Ginkgo biloba sa mga estudyanteng may edad 11 hanggang 16 na taon na may mababang academic performance. Isinagawa ito bilang randomized single-blind placebo-controlled study gamit ang Academic Performance Rating Scale (APRS) bilang panukat. Layunin ng pag-aaral na malaman kung makakatulong ang Ginkgo biloba sa pagpapabuti ng kakayahan sa pag-aaral ng mga estudyante. 


Lumabas sa resulta na maaaring makatulong ito sa pagpapabuti ng academic skills ng mga kalahok. Gayunpaman, binigyang-diin ng mga mananaliksik na kailangan pa ng mas malalaking pag-aaral upang makumpirma ang bisa nito dahil maliit lamang ang bilang ng mga kalahok sa naturang pag-aaral.


Ang karaniwang ligtas na dose ng Ginkgo biloba capsule para sa adult ay 120–240 mg bawat araw na hinahati sa dalawa o tatlong pag-inom. Gayunpaman, mas mainam pa ring kumonsulta sa inyong doktor bago uminom ng Ginkgo biloba lalo na kung may iniinom na gamot o may kasalukuyang sakit.


Sa kabila ng mga positibong resulta, kulang pa rin ang sapat na ebidensya tungkol sa kaligtasan at bisa ng Ginkgo biloba sa mga bata at kabataan. Karamihan samga clinical studies ay isinagawa sa mga adult, lalo na samga may problema sa memorya. Dahil dito, hindi itokaraniwang nirerekomenda bilang memory enhancer samga kabataan maliban kung may payo at gabay ng doktor. 

 

Maaari rin itong magdulot ng ilang side effects tuladng sakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng tiyan, pagduduwal, allergic reactions, at palpitations o mabilis natibok ng puso. Bukod dito, maaari nitong pabagalin ang pamumuo ng dugo, kaya may panganib ng pagdurugo lalo na kung iniinom kasama ng mga blood thinners tulad ng Aspirin at Warfarin. Dapat ding mag-ingat ang mga taongmay bleeding disorders, may epilepsy, o may planongsumailalim sa operasyon.


Para sa mga kabataang nais mapabuti ang memorya at konsentrasyon sa pag-aaral, mas ligtas at mas epektibo pa rin ang mga natural na paraan tulad ng sapat na tulog, balanseng pagkain, regular na ehersisyo, at maayos na study habits. Ang mga simpleng gawaing ito ay may malaking papel sa pagpapanatili ng malusog na utak at mas mahusay na pagkatuto. (Dr. Eunice Anne G. Garcia, RPH, MD, CCS)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page