Gilas lalaro sa Jordan
ni MC - @Sports | July 18, 2021

Malaki ang posibilidad na maglalaro ang Gilas sa King Abdullah Cup sa Amman, Jordan, sa July 26-Aug. 3 bilang paghahanda sa FIBA Asia Cup na nakatakda sa Jakarta sa Aug. 17- 29.
Pero sa ngayon ay wala pang final na desisyon kung maglalaro sila o hindi sa tune up games sa Jordan dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa Indonesia at maaaring makansela pa ang regional competitions.
Muling sumabak na ang Gilas sa Calamba bubble habang inaayos ang visa nila papuntang Jordan sa July 23. Sinabi ni SBP deputy executive director Butch Antonio na pinag-uusapan nila ang mga bubuo ng Gilas pool.
Inaasahan umano na makakasama na sa team sina Thirdy Ravena, Matt Nieto at Rey Suerte, na hindi nakalahok sa katatapos na FIBA Asia Cup third qualifying window at Olympic Qualifying Tournament nitong nakaraan.
Ibinida ni Antonio na nakikipag-usap siya kay Jordan Basketball Federation secretary-general Nabeel Abu Ata kaugnay sa paglahok sa King Abdullah Cup na sasalihan ng Jordan, Egypt, Tunisia, Algeria at Saudi Arabia.
Nagpadala rin ng imbitasyon sa Morocco, Czech Republic, Russia, Germany, Serbia at Greece para lumahok pero wala pang kumpirmasyon sa mga team.
Inorganisa ang torneo upang ihanda ang Jordan national team sa FIBA Asia Cup. Ayon sa ulat, namimili pa ang Jordan sa tatlong kandidato para sa kanilang naturalized player. Hindi pa sigurado kung lalaro si Kai Sotto sa FIBA Asia Cup dahil inaasahang magre-report na ito sa Adelaide 36ers sa susunod na buwan.
Matapos bumalik mula sa paglalaro sa OQT sa Serbia, nagbakasyon si Sotto at buong pamilya sa Boracay. Ayon sa insider, tanging ang timing sa pagdaraos ng FIBA Asia Cup ang magiging susi kung makalalaro o hindi si Sotto sa koponan.





Comments