Gilas, dismayado, 4th place sa King Abdullah Cup Jordan
ni MC - @Sports | August 3, 2021

Malungkot na tinapos ng Gilas Pilipinas ang kanilang King Abdullah Cup campaign matapos talunin ng Tunisia, 80-68, sa kanilang third place match sa Prince Hamzah Sport Hall sa Amman, Jordan.
Nanguna para sa Pilipinas si Carl Tamayo na may 14 points sa kanyang 4-sa-9 shooting kasama ang six rebounds habang si SJ Belangel ay umambag ng 12 at four assists para sa Gilas na nagtapos na 4th place. Umambag si Isaac Go ng nine points, four boards, three dimes, isang steal at isang block habang si Dwight Ramos ay may seven points kontra Tunisia na bumawi mula sa isang puntos na pagkatalo sa Gilas sa elimination round.
Kumamada naman si Thirdy Ravena ng 6 points. Sa first quarter ay agad na umarangkada sina Go at Belangel kung saan kumana ang mga ito ng malakas na 7-0 start para sa Pilipinas pero agad ding bumawi ang Tunisians at tinambakan pa ang Gilas sa iskor na 23-11.
Kinontrol ng Tunisia ang laro sa dalawa pang sumunod na quarters at tinambakan ang Gilas ng 16 points, 64-48, sa dulo ng third period pero unti-unti ring bumangon ang Pilipinas. Matapos itipa ng Tunisia ang pinakamalaki nilang kalamangan, kumana ang Gilas ng 18-5 run upang tapyasin ang kalamangan sa tatlo, 69-66, habang may natitira pang 4:35 sa game.
Subalit ipinakita ng Tunisia ang kanilang tatag kung saan umiskor sina Jawher Jawadi at Omar Abada ng huling siyam na puntos, 78-68 para sa kanilang panalo. Kumamada si Jawadi ng 21 points habang si Abada ay may 19 points, six assists para sa Tunisia. Naglaro ang Gilas na wala ang kanilang naturalized big man na si Angel Koaume sa final game ng tournament.
Samantala, tinanggihan ni All-NBA forward Kawhi Leonard ang kanyang player option sa Los Angeles Clippers para sa susunod na season upang maging free agent at pakay lumipat ng team. Nagkakahalaga ang player option ng $36 million, pero inaasahang makikipag-usap muli si Leonard sa Clippers para sa bagong deal para manatili sa koponan.





Comments