Giannis, mabangis sa 47 pts; PBA Opening sa Disyembre
- BULGAR
- Nov 19, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio/GA - @Sports | November 19, 2021

Umaapoy para sa 47 puntos si Giannis Antetokounmpo at nakapulot ng bihirang panalo sa Fiserv Forum ang World Champion Milwaukee Bucks matapos sugpuin ang bisitang Los Angeles Lakers, 109-102, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon. Ito lang ang pangalawang panalo ng Bucks sa kanilang tahanan at pinutol ang apat na sunod na pagkabigo sa harap ng kanilang mga tagahanga.
Saglit ibinalik ng buslo ni Malik Monk ang lamang sa Lakers na may 9:43 sa orasan, 87-86, subalit sinagot ito ng dalawang tres ni Khris Middleton, 92-87. Bumanat ng pang-diin na three-points si Pat Connaughton, 98-91, at kahit hindi na naka-shoot ang Milwaukee sa nalalabing anim na minuto ay matibay ang shooting sa free throw nina Middleton at Giannis Antetokounmpo upang hindi dumulas ang panalo sa kanilang kamay.
Kumuha ng malaking suporta si Antetokounmpo kay Bobby Portis na may 17 puntos at Middleton at Connaughton na parehong may 16 puntos. Patuloy ang pagliban ni LeBron James at sinubukang buhatin ang Lakers nina Talen Horton-Tucker na may 25 puntos at Russell Westbrook na may 19 puntos at 15 assist.
Binulaga ng Charlotte Hornets ang numero uno ng Eastern Conference na Washington Wizards, 97-87, salamat sa matatag na laro nina Terry Rozier na may 19 puntos at Miles Bridges na double-double na 17 puntos at 10 rebound. Nasayang ang pagbalik-aksyon ni Bradley Beal na nagsumite ng 24 puntos.
Hindi ginamit ng Chicago Bulls ang pagkakataon na maagaw ang liderato ng East at wagi sa kanila ang Portland Trail Blazers, 112-107, sa likod ng 22 puntos ni Damian Lillard at tig-18 galing kay Jusuf Nurkic at Norman Powell. Sinayang ng Bulls ang kanilang 20 puntos na lamang upang bumaba sa 10-5 kumpara sa Washington na 10-4.
Samantala, maaring umatras ng petsa ang pagbubukas ng 2021 PBA Governors Cup dahil hindi pa nakararating sa bansa ang ilang imports.
Naitakda na sana ni PBA commissioner Willie Marcial sa Nobyembre 28 ang simula ng Gov Cup na katatampukan ng foreign reinforcements matapos ang dalawang All-Filipino conferences. "Target natin 'yun… (pero) kailangan kumpleto 'yung imports bago natin simulan," ani Marcial.





Comments