- BULGAR
Gets mo ‘yun, Kira? L.A.: MAMA’S BOY, MAS MASARAP MAGMAHAL
ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 20, 2023

Speaking of LA Santos na puring-puri nga ng mga nakapanood na ng trailer ng In His Mother’s Eyes, aminado at proud ito na talagang mama’s boy siya.
Hindi naman kataka-taka at sobrang touching pa nga ng sinabi ni LA na mahal na mahal niya ang kanyang Mommy Flor Santos dahil sa lahat ng sakripisyo at pagmamahal nito sa kanya, to the point na nagprodyus pa ito ng In His Mother’s Eyes maipakita lang sa buong mundo ang talent ni LA.
Tinanong namin si LA sa interview kung nakikita ba niyang liability ang pagiging mama’s boy lalo’t maraming kababaihan ang ayaw nito.
Nakaka-proud ang sagot ni LA dahil sabi niya, walang dapat ikahiya sa pagiging mama’s boy and in fact, mas masarap nga raw magmahal ang mama’s boy dahil marunong magpahalaga sa kababaihan tulad ng pagmamahal nila sa kanilang ina.
Ang ganda ng values na itinuro ni Mommy Flor kay LA at masasabing napalaki ito nang tama dahil base sa mga sagot ng singer-actor, mapa-proud ka sa kanya kung ikaw ang nanay niya.
Sa totoo lang, kahit sinasabi ni Mommy Flor na may special condition si LA, hindi namin ito nakita sa binata na look-alike ni Alden Richards at natutuwa kaming kausap siya dahil bukod sa napaka-charming na laging naka-smile, napakatotoo pa niyang sumagot at walang pretensiyon.
Nang inintriga nga namin siya kay Kira Balinger na dati niyang nakasama sa isang project, diretsong sinabi ni LA na gusto niya ang values ni Kira at close raw talaga sila at nakapag-build ng friendship pero hanggang du’n lang daw ‘yun at hindi naman niya naisip na ligawan ito.
Sa ngayon, hindi pa raw nakikita ni LA ang ‘the right one’ lalo’t focused muna siya sa kanyang career na paganda nang paganda.
Lutang na lutang ang kanyang karakter bilang si Tim sa In His Mother’s Eyes at tiyak na mamahalin siya ng manonood kapag nakita ang galing ni LA sa acting.