Gen. Eleazar, naging kapaki-pakinabang sa PNP
- BULGAR
- Nov 13, 2021
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 13, 2021
Nakapili na si Pangulong Rodrigo Duterte ng ipapalit kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar kapag nagretiro na ito ngayong Nobyembre. Nanghihinayang tayo sa pagreretiro ni Eleazar sa Philippine National Police (PNP). Sa ating palagay, siya ang maraming nagawang mabuti para sa PNP kahit sa maikling panahon lang nanilbihan. Maganda sana, kung pinahaba na lang ang kanyang termino bilang PNP chief. Kung bibigyan naman siya ng ibang posisyon sa gobyerno na madalas ginagawa ni P-Duterte, sana ay sa kagawaran o ahensiya kung saan siya makakatulong nang husto.
Alam na ng lahat ang pagbawi ni Sara Duterte ng kanyang certificate of candidacy (COC) para tumakbong alkalde ng Davao City, at inanunsiyo na ang kanyang kapatid ang papalit sa kanya.
Hindi na bago ang estilong ito. Bagama’t wala pa siyang anunsiyo kung ano na ang sunod na gagawin, hindi na nagtataka ang tao at ganyan din naman ang estilong ginawa ng kanyang ama noong 2016. Hindi raw ganito, hindi raw ganyan, pero ganun din pala.
May apat na araw pa siyang magdesisyon.
Samantala, may panukala na si Deputy speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na lubusang ipagbawal ang substitution of candidates, tila nagiging lokohan na lang ang eleksiyon dahil sa patakarang ito ng Comelec. May pinahahawak muna sa iba ang posisyon hanggang sa mapalitan ng tunay na kandidato. Balidong dahilan na lang ang dapat tanggapin ng Comelec kung sakaling bawiin ng kandidato ang kanyang COC.
Inanunsiyo na rin ng Comelec na may 205 kandidato para sa pagka-pangulo, VP at senador ang maaaring matanggal dahil sa pagiging nuisance candidates. Ginagawang lokohan lang ang eleksiyon, wala namang intensiyong tumakbo at magdudulot lamang ng kalituhan sa mga botante. Sa Disyembre ilalabas ng Comelec ang huling listahan ng mga kandidato.
Okupado na nga sa darating na halalan ang mamamayan — nagsimula na ang bangayan sa social media. Umiikot na rin ang mga kandidato kahit hindi pa opisyal na pangangampanya, tila nagpapakilala lang muna. May advertisement na sa TV at radio, kahit hindi sinasabing iboto sila.
Wala namang magawa ang Comelec at hindi ito labag sa kanilang mga patakaran sa ngayon.
Panahon na para makilala ang mga kandidato, at kung sino ang dapat manungkulan ng susunod na anim na taon.








Comments