Gaya ni Romualdez, taktika ng Remulla brothers sumablay kay VP Sara
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | December 29, 2025

Papasok na ang taong 2026, at sinalubong ito ng malagim na pagyao ni ex-DPWH Usec. Cathy Cabral.
Bad omen.
-----$$$--
DAPAT nating maunawaan na ang 2026 ay buwelo mismo sa 2027—ang aktuwal na kampanyahan para sa 2028 presidential election.
Ibig sabihin, sasakyan na ang lahat ng isyu ng mga nagpapantasya na makaupo sa Malacañang.
----$$$--
WALANG duda, hindi matatapos ang kaliwa’t kanang isyu sa flood control projects, insertion sa budget, at ang misteryosong pagpanaw ni Cabral.
Tama, sasawsaw d’yan ang mga “presidentiable kuno”.
-----$$$--
MARAMI ang namangha sa gitna ng masalimuot na isyu ay biglang sumungaw ang ulat na pumuporma mismo si DILG Secretary Jonvic Remulla para sa 2028 election.
Kaya pala pilit ginigiba si Chiz.
Sa isang interview sa ANC, sinabi ni Jonvic na pinag-iisipan niya ang pagtakbo sa pagka-Pangulo sa susunod na eleksyon.
He-he-he!
-----$$$--
Hindi malinaw pero may mga nagsasabing mistulang “litmus paper” ang mga sitwasyon para sa lihim na ambisyon ng kapatid ni Ombudsman Boying Remulla.
Kumbaga, tinatantiya at binabarometro lamang ang damdamin at reaksyon ng publiko.
Walang masama, libre naman ang mangarap, magpantasya at magmaniobra nang lihim.
-----$$$--
SA naturang panayam, kinaladkad pa ni Jonvic ang pangalan ni Sen. Chiz Escudero bilang isang posibleng kandidato.
Kumbaga, nasisilip nito na ang posibleng makabangga niya ay ang mister ni Heart Evangelista.
Merong ganun?
-----$$$--
KUMBAGA sa epektos, branded na kasi ang pangalan ni Chiz kaya rito siya sumasakay.
Itinuturing ba ni Jonvic na threat si Chiz o gusto lang talaga niyang wasakin ang reputasyon ng senador?
-----$$$---
MASELAN ang sitwasyon dahil mabibisto nang hindi sinasadya ang malisya o motibo kung bakit ibinabaon ni Boying si Chiz sa isyu ng insertion.
Nilinaw ng ICI na hearsay lang ang mga akusasyon kontra kay Chiz pero nagpupursige pa rin si Boying na maghagilap pa ng mga ebidensiya.
----$$$--
Ang maniobra ng Remulla Brothers ay hindi nalalayo sa diskarte ni ex-Speaker Martin Romualdez laban kay VP Sara.
Pero, malinaw na nag-boomerang ang naturang taktika—napahamak ang ex-speaker at nanatili pa ring popular ang tagapagmana ni Digong.
-----$$$--
PURDOY ang tangkang impeachment kontra kay VP Sara na kinatigan pa ng Korte Suprema.
Ganyan din ang nangyari, nanindigan ang ICI para kay Chiz pero dinededma lang ito ng Ombudsman.
-----$$$--
BAKIT ayaw tugisin o hanapan ng matitibay na ebidensiya ng Ombudsman si Romualdez?
Kahit ang ICI at DPWH ay nagsasabi na may ebidensiya sila kontra sa dating speaker.
-----$$$--
SA totoo lang, dapat ay maging patas, independent at walang pinapanigan ang Ombudsman partikular sa isyu ng insertion at flood control projects.
At kung magagawa ni Boying ‘yan, d’yan pa lamang niya matutulungan ang kanyang kapatid sa personal nitong ambisyon imbes sa pagsira sa mga kalaban sa pulitika.
Entiendes?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments